Kinaaliwan ng mga netizen ang isang First Year college student sa Lagao, General Santos City matapos siyang maispatang nakasakay sa kabayo habang papasok sa kaniyang paaralan.
Batay sa viral video na inupload ng netizen na si ITa Ly Gargaritano Montero, namataan ang nabanggit na estudyanteng napag-alamang kumukuha ng degree program na Bachelor of Science in Agriculture sa Goldenstate College habang binabaybay ang isang kalsada at nakikipagsabayan sa mga motorista.
Galing umano sa tinutuluyang boarding house ang nabanggit na estudyante at patungo na sa kaniyang pinapasukang eskuwelahan, batay na rin sa kaniyang suot na school uniform at bag na nakasukbit sa likod niya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Student: Sir pa full tank, Grassoline boy: Premium or unleaded grass?”
“Parang mas pagod pa yong naka-sakay kesa sa kabayo"
"Hindi pala gas ang kailangan nito, grass hahaha."
"Back to basics. Life is a merry go round."
Ang pangangabayo ay isa sa mga sinaunang paraan ng transportasyon na malaki ang naging papel sa pag-unlad ng mga pamayanan noon.
Bago pa man umusbong ang mga makabagong sasakyan, ang kabayo ang nagsilbing pangunahing kasangkapan sa paglalakbay ng mga tao, lalo na sa malalayong lugar na mahirap marating.
Sa pamamagitan ng pangangabayo, naging mas mabilis ang pakikipagkalakalan, komunikasyon, at paglalakbay kumpara sa paglalakad lamang.
Hindi lamang ito simbolo ng bilis at lakas, kundi pati na rin ng katayuan sa lipunan, sapagkat kadalasang ang mga mayayaman o may kapangyarihan ang may kakayahang magmay-ari ng kabayo.
Ginagamit din ang kabayo noon para sa paghila ng kalesa o karwahe bilang daluyan ng transportasyon, lalo na noong panahon ng mga Espanyol.
Sa kasalukuyan, bagaman napalitan na ito ng mga modernong sasakyan, nananatili pa rin ang pangangabayo bilang bahagi ng kultura at kasaysayan, at patuloy na pinahahalagahan sa ilang lugar bilang tradisyon at libangan.