Mainit na usapin ngayon ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, hindi lamang sa Pilipinas, ung hindi maging sa buong mundo. Bunga ito ng nagaganap pa ring hidwaan sa pagitan ng mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan, partikular na ang Iran at Israel.
Bunsod nito, kaniya-kaniyang diskarte ang bawat estado kung paano tutugunan ang krisis na ito pagdating sa krudo o langis.
Kaugnay sa usaping ito, viral ngayon sa social media ang isang college student na sumakay sa isang kabayo para lamang makapasok sa paaralan.
Kinaaliwan ang nasabing estudyante na nagmula pa sa bayan ng Lagao, lalawigan ng General Santos.
MAKI-BALITA: Gas out, grass in! College student sa GenSan, nangangabayo papasok sa paaralan-Balita
Ngayong katakot-takot ang pagsirit ng presyo ng krudo sa bansa, epektibo pa rin kaya sa modernong panahon ang paggamit ng kalesa at karwahe bilang sistema ng transportasyon?
Kahulugan at Kasaysayan ng Karwahe
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang karwahe ay isang sasakyang may apat na gulong at karaniwang hila ng dalawang magkaagapay na kabayo.
“Noong unang bahagi ng 1816, ang transportasyon ay limitado at ibang-iba sa alam natin ngayon. Noong panahong iyon, ang mga pangunahing uri ng transportasyon ay kinabibilangan ng mga karwahe na hinihila ng kabayo, steamboat, stagecoaches, at steam-powered na tren,” mababasa naman sa artikulo ng Maestro Virtuale.
Nakatala rin sa nasabing artikulo na isa ito sa pinakakaraniwang paraan ng transportasyon ng mga panahong iyon. Ginagamit din daw ito upang maghatid ng mga tao mula sa isang lugar patungo sa isa pa, kapwa sa urban at rural na lugar.
“Ang mga karwahe ay madalas na ginagamit ng mga mas mataas na uri ng mga tao, dahil sila ay itinuturing na isang mas komportable at eleganteng paraan ng transportasyon,” mababasa pa rito.
Kultura ng paggamit ng Kalesa
Tuwing mapag-uusapan ang sinaunang transportasyon sa bansa, unang papasok sa isip ng bawat isa ang kalesa.
Ayon sa artikulo ng Discover Philippines, ang kalesa ay ang tinaguriang “one of the hallmarks of Filipino transport culture,” kahanay ng jeepney, bangka at tricycle.
Tulad ng karwahe, ang kalesa ay napapaandar sa tulong ng isang kabayo, hila-hila ang mga sakay nito sa tulong ng dalawa pang gulong.
“The kalesa continues to thrive in historical and tourist spots in the Philippines, namely in heritage towns like Vigan, Taal, and the heritage districts of Intramuros and Binondo. The kalesa is perceived as a relic of a bygone era that’s more often than not associated with cobblestone streets and bahay na bato,” mababasa pa sa nasabing artikulo.
Kalesa at Karwahe sa modernong panahon
Sa modernong panahon, madalas pa ring matatagpuan ang mga kalesa at karwahe sa Intramuros, Maynila, Vigan, Ilocos Sur, at sa iba pa—mga lugar kung saan patuloy pa ring ipinagyayaman ang mga sinaunang kultura ng bansa.
Liban sa pagiging transportasyon, ginagamit na rin ito bilang isang atraksyon sa mga bumibisita sa mga nabanggit na lugar, partikular na sa mga dayuhan.
Gayong nabubuhay na ang bawat isa sa modernong panahon, kung saan halos lahat ng transportasyon ay pinatatakbo na ng langis at makina, hindi pa rin maikakailang naging parte ng kasaysayan at kultura ng bansa ang mga kabayo, karwahe, at kalesa.
Photo courtesy: Wikimedia Commons/website