MAPATATAG ang kapit sa liderato at mapanatiling malinis ang kanilang marka ang pupuntiryahin ng defending champion Ateneo de Manila sa pagsabak kontra Far Eastern University ngayon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.

Tatangkaing dagitin ng Blue Eagles ang kanilang ika-4 na sunod na tagumpay sa pagtutuos nila sa Tamaraws sa huling laro ganap na 4:00 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay.

Mauuna rito, magsasagupa ganap na 2:00 ng hapon ang University of the East at ang De La Salle University kasunod ng unang dalawang laro sa women’s division.

Huling tinalo ng Blue Eagles para sa ikatlong dikit nilang panalo ang University of Santo Tomas Tigers noong Miyerkules sa Araneta Coliseum sa iskor na 71-70 kung saan pantay na pinuri ni Ateneo coach Tab Baldwin ang kanyang koponan at ang Tigers sampu ng mentor nitong si Aldin Ayo.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Sa kabilang dako, nakabawi mula sa kanilang unang kabiguan sa kamay ng University of the Philippines noong opening day, magtatangka naman ng back-to-back wins ang Tamaraws ni coach Olsen Racela.

Sa unang laro, gaya ng FEU, tatangkain din ng De La Salle na makamit ang ikalawang panalo upang makasalo ng Adamson at UST sa ikalawang puwesto sa pagtutuos nila ng UE.

-Marivic Awitan