SA 30 taon sa showbiz ni Jean Garcia ay ngayon lang may nag-offer sa kanyang action thriller movie kung kailan edad 50 na siya. Isang contract killer/hired killer ang papel na gagampanan niya sa pelikulang Watch Me Kill.

jean

Base sa trailer ng Watch Me Kill ay apat na klase ng baril ang ginamit ni Jean kaya natanong ang aktres kung anong klaseng baril ang kumportable niyang hawakan at gamitin.

“Yung 9mm pistol. Well nag-enjoy din naman ako sa machine gun kaya lang medyo delikado kasi konting ano (galaw sa gatilyo) talagang sunud-sunod (putok). Lahat naman nakaka-excite pagkatapos kong hawakan,” paghahantulad ng aktres.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“Ang trabaho ko po ay pumapatay ng may bayad. Hindi po ako pumapatay ng dahil sa gusto ko lang pumatay. Bilang si Luciana (karakter) ay walang emosyon na tao, hindi nakikisalamuha kahit kanino, walang kaibigan, walang kinikilalang kaibigan, wala siyang pakialam sa mga taong nangyayari sa paligid niya. Basta ang importante kay Luciana ay ang sarili niya, trabaho niya na pagpatay kasi babayaran siya, ‘yun lang po,” paglalarawan ng karakter niya sa pelikula.

Kinuwento rin ni Jean kung bakit niya tinanggap ang pelikula.

“Sa edad ko ring ito, at 50, gusto ko ring i-challenge ang sarili ko na kaya kong gawin ang ganitong klaseng pelikula. Gusto ko ring ma-experience na maidirek ng isang direktor na nag-aral talaga sa Amerika.

“It’s very rare to get to work with someone like him. We shot our movie not in the usual digital format but in 16 mm negative film kaya ang ganda ng resolution and clarity on screen. Tyrone is soft spoken, hindi nagagalit kaya very peaceful sa set.”

Ang direktor ng Watch Me Kill na si Tyrone Acierto ay nagtapos ng Filmmaking sa Columbia College Chicago, USA.

Naunang narinig ang pangalan ni Direk Tyrone sa pelikulang The Grave Bandits. Bukod dito, nanalo ito bilang best director at wagi rin ng best feature film sa New Wave film category sa 2012 Metro Manila Film Festival. Ipinalabas din sa Marche Du Cannes sa Cannes film market ang obra niya.

Sabi pa ni Jean, “Mahirap palang maging bida in an action movie. I’ve done action films before, but usually, as the leading lady lang of the action hero. E, dito, ako mismo ang gumagawa ng action scenes, pati ng stunts and I tell you, it’s not easy, buwis-buhay siya. Kung kailan pa naging lola na ako.

“Noong unang i-offer sa akin itong movie, nag-second thoughts talaga ako. Kaya ko ba ito? Kinakabahan ako. But after reading the script, na-in love ako sa character na gagampanan ko, si Luciana.

“I haven’t done a character like her and I was challenged kung makakaya ko ba siyang itawid. I was deglamorized here, ni walang make up. Ang damit na suot ko paulit-ulit.

‘Yung boots na ginamit ko, ‘yun lang all throughout the movie. Pero ‘yung back story ni Luciana, why she became what she is, ang ganda.”

At para makayanan ang action scenes ay inamin niyang nag-training siya. “I had to train sa krav maga, martial arts, and I learned how to shoot a pistol, pati machine gun at shotgun ha, at mas lalo akong ginanahan. Dati kasi, takot ako sa baril. Ayokong masaktan. Pero nu’ng shoot na, nag-enjoy naman ako. Medyo hardened na ang character ko rito. But she saw her chance for redemption when she became the personal protector of a young girl, si Aurora (Junnyka Santarin). ‘Yun ang babago sa kanya.”

Nabanggit pa na mabuti na lang daw at alam pa ni Jean magmaneho ng manual kaya sisiw lang niyang i-drive ang owner jeep.

Mapapanood ang Watch Me Kill sa Setyembre 13 at entry ito ng Cine Bandits Entertainment sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) 2019 at release naman ng Viva Films.

Kasama rin sa pelikula sina Jay Manalo, Junyka Santarin, Althea Vega, Rodolfo Muyuela at Bodjie Pascua at mula sa direksyon ni Tyrone Acierto.

-Reggee Bonoan