April 16, 2026

Home SHOWBIZ Relasyon at Hiwalayan

'Hindi ko hiniling kay Lord pero binigay Niya!' Tonton Soriano, hindi makapaniwala sa engagement sa jowa

'Hindi ko hiniling kay Lord pero binigay Niya!' Tonton Soriano, hindi makapaniwala sa engagement sa jowa
Photo courtesy: Tonton Soriano (FB)

Masayang ibinahagi ng stand-up comedian na si Tonton Soriano na engaged na sila ng kaniyang partner na si Jhonnas Desigaño, matapos ang isang hindi inaasahang wedding proposal na naganap sa isang resort sa Laguna.

Sa social media posts, ipinakita ni Soriano ang ilang larawan nila ni Desigaño kung saan makikita ang masayang sandali ng kanilang engagement.

Ayon sa komedyante, naganap ang espesyal na pangyayari habang nagdiriwang ng kaarawan si Desigaño kasama ang kanilang malalapit na kaibigan.

Naganap ang proposal sa gitna ng isang pagtitipon ng mga kapwa komedyante ni Soriano, kabilang sina Iyah Mina, Miss Ohw, Kitty Montecarlo, Ayee, Verna Tuliao, at Petite.

Ang buong pangyayari ay naitala rin sa vlog ng comedy group na "Beks Friends" na kinabibilangan nina Soriano, Kitty Montecarlo, at Orli Domingo.

Relasyon at Hiwalayan

Franki Russell, Enrique Gil naantala ang pagkakamabutihan

Sa nasabing vlog na inilabas noong Marso 5, 2026 sa YouTube, makikitang naglalaro ang grupo ng larong "Pinoy Henyo."

Isa sa mga salitang pinahuhulaan kay Soriano ay ang pangalan ni Desigaño. Matapos niyang mahulaan ito, biglang lumabas si Desigaño sa harap ng lahat.

Sa una ay tila nagulat at bahagyang nailang si Soriano sa paglapit ng kaniyang partner. Gayunman, nagpatuloy si Desigaño at lumuhod sa kaniyang harapan habang hawak ang isang singsing bilang simbolo ng kaniyang paghingi ng kamay.

Agad na sinalubong ng palakpakan at hiyawan ng kanilang mga kaibigan ang proposal, habang makikitang labis na natuwa at nagulat si Soriano sa nangyari.

"Hindi ko hiniling kay Lord pero binigay nya! Edi GO NA!" mababasa sa caption ng post ni Soriano, kalakip ang mga larawan nila ng fiance.

Hindi raw makapaniwala si Soriano sa mga nangyari.

"Hindi talaga ako makapaniwala kasi wala naman sa dream natin na magkakaroon ng ganito, lalo na na nasa third sex tayo. Salamat kasi ginawa mo ito para sa akin," aniya.

“Ito na yung new generation. I-embrace na natin na love wins,” pahayag naman ni Desigaño.

Congratulations sa engaged couple!