NAGTATAG ng bagong ahensiya si Mayor Marc Brian Lim ng Dagupan City, Pangasinan sa ilalim ng isang kautusang tagapagpaganap (executive order) na tatawaging Flood Mitigation Commission na siyang mangangasiwa sa pagbuo ng isang kabuuang plano para maresolba ang problema ng lungsod sa pagbaha.

Sa isang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni Lim, na siyang chairman ng komisyon, na magkakaroon ang komisyon ng tatlong buwan upang makabuo ng plano ang ahensiya, na nagsimula noong Hunyo 30. Ang mga miyembro ay magtatrabaho bilang mga boluntaryo.

Kasabay ng pagbanggit sa 2017 flood mapping survey program, binigyang-diin ni Lim sa EO na halos 75 porsiyento na ng 48 kilometro kwadradong lupain ng lungsod ang nakararanas ng pagbaha na may 0.40 metro, habang ang iba pang lugar ay doble o triple nito.

Dagdag pa niya na ayon sa pag-aaral, na patuloy na lalala ang pagbaha na nararanasan, kung walang aksyon na maipatutupad.

Ayon sa kautusan, “The problem in most parts of the city caused by irregular land conversions, extreme whether events, and piecemeal infrastructure and urban planning pose a great threat to the development of the City of Dagupan.”

Sa naganap na pulong balitaan nitong Martes, ipinakilala ng alkalde ang mga miyembro ng komisyon, na sina Engr. Joseph Lo, na kumakatawan sa sektor ng pagnenegosyo at vice chairman ng komisyon; Engr. Liberato Afficial at Engr. Arnold Palmero bilang kumakatawan sa Philippine Institute of Civil Engineers; ang mga arkitektong sina Maximo Tan at Zosimo Ganaden ng United Architects of the Philippines; Engr. Nancy Nazareno ng City Engineering Office; Zoning Officer James Louell Fernandez at Project Development Officer Jose Jesus Torio, pawang mga kawani ng City Planning and Development Office; City Legal Officer Terence Marata; at Attorney Michael Camilo Datario, ang consultant ng City Legal Office.

“Gusto ko ring ipaalam sa ating mga kababayan na kailangan nating magkaroon ng leveling of expectations dahil itong baha ay maraming causes. Ang reyalidad, hindi mareresolba ng isang araw or even one or two years. Pero ako ay naniniwala na kaya nating bawasan. Ang makapagbigay ng mas detalyadong solusyon tungkol dito, yan ang trabaho ng komisyon. Pero hindi po yan reason para mag-relax tayo,” paliwanag ni Lim.

Inatasan na ang Flood Mitigation Commission na magsagawa ng kumprehensibong pagsusuri ng pagbaha sa lungsod, magbigay ng teknikal at propesyunal na payo sa alkalde ng lungsod sa larangan ng pagkontrol sa baha at iba pang mga kaugnay na usaping pang-inhinyero, at makatulong sa paghahanda ng integrated flood mitigation plan para sa lungsod, bukod sa iba pa.

PNA