Aabot sa P3.4 milyon halaga ng ilegal na droga ang nasamsam mula sa dalawang suspek sa ikinasang buy-bust operation sa Pasig City, ngayong Linggo ng umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Joselito Esquivel, Jr. ang mga naaresto na si Mark Kim Cudia, 28; at ang live-in partner niyang si Patricia Jane Dayta, 19 anyos.
Dinakip ng mga tauhan ng QCPD-Station Station 7, Eastern Police District-Drugs Enforcement Unit (EPD-DEU), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawa sa panulukan ng Kaginhawaan at Kaagapay Streets sa Barangay Manggahan, bandang 5:20 ng umaga.
Sinabi ni Esquivel na ang sting operation ay resulta ng naunang operasyon sa Bgy. Kaunlaran sa Cubao, Quezon City nitong Sabado ng gabi, makaraang ituro ng naarestong sina Joy Cabacungan, 37; at Reynaldo Apostol, 33, si Cudia bilang pinagkukuhanan nila ng ilegal na droga.
Idinagdag ni Esquivel na si Cudia ay miyembro ng “Bahala Na” Gang at dati nang naaresto sa droga noong 2017, pero nakalaya ng Nobyembre 2018 dahil sa plea bargain.
Narekober umano mula sa mga suspek ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P3,400,000; isang motorsiklo; at P20,500 marked money.
Nakapiit na ang dalawa, na kakasuhan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
-Jhon Aldrin Casinas at Fer Taboy