Kalakaran na ang vote-buying tuwing kailangang maghalal ng bagong House Speaker.

Ito ang ibinunyag ng isang outgoing congressman, na tumangging magpabanggit ng pangalan.
“Ikaw naman para kang bago,” sinabi ng kongresista sa may akda nang hingan ng komento tungkol sa alegasyon ng panunuhol sa mga mambabatas kaugnay ng paghahalal ng bagong Speaker sa pagbubukas ng 18th Congress.
“Every time there's an election all those components bribery, vote-buying, etc. are always present,” dagdag pa niya.
Mahigit lima ang naghahangad na maging House Speaker, na ihahalal ng mga kasapi ng Kamara sa susunod na buwan, o sa mismong araw ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabunyag at lumaki ang isyu ng umano’y bribery nang sabihin ng dating Speaker, si re-elected Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez, na nasa P500,000-P1 milyon ang ipinamamahagi sa mga kongresista kapalit ng kanilang boto.
Kalaunan, napaulat na lumobo na umano sa P7 million ang umano’y bilihan ng boto, batay sa impormasyon sa media mula kay Pampanga 3rd District Rep. Dong Gonzales. Kapwa kandidato sa pagka-Speaker sina Alvarez at Gonzales.
“Wala nang hiyaan talaga,” sabi pa ng outgoing solon, na isa lang sa kabuuang 304 na kasapi ng Kamara.
-Ellson A. Quismorio