Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

4:30 n.h. -- TNT vs Northport

7:00 n.g. -- Alaska vs NLEX

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

MAKAPANTAY sa Blackwater sa maagang pamumuno ang pag-uunahang gawin ng magkatunggaling TNT at Northport sa pagtutuos nila ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioners Cup sa MOA Arena sa Pasay.

Magkasalo sa kasalukuyan ang Katropa at ang Batang Pier pagkaraang magwagi sa unang dalawa nilang laban kasunod ng solong lider Elite na may malinis na markang 3-0.

Parehas na nagwagi sa kanilang nakaraang laro noong Sabado-Mayo 25 ang dalawang koponan, ang TNT kontra Alaska, 99-85 at ang Northport laban sa NLEX,83-79 sa mga larong idinaos sa Araneta Coliseum.

Inaasahang babawi sa kanyang naging laro sa nakaraang panalo nila kontra Road Warriors si Batang Pier import Prince Ibeh ngunit matinding pagsubok ang tiyak na nyang kakaharapin kontra sa ex-NBA veteran import ng Katropa na si Terrence Jones.

Nagtala si Jones ng 43 puntos sa huling panalo nila kontra Aces kumpara sa 19 puntos ni Ibeh na nangamote sa freethrows matapos makapagbuslo lamang ng isa mula sa 12 attempts.

Sa tampok na laban, mag-uunahan namang makapasok ng win column ang parehas pa ring winless matapos ang dalawang laro na Alaska at NLEX.

Magtutuos ang Aces at Road Warriors ganap na 7:00 ng gabi kasunod ng tapatang TNT at Northport ganap na 4:30 ng hapon.

-Marivic Awitan