MULA sa kasagsagan ng nakalipas na halalan hanggang sa matapos ang naturang mid-term polls, ‘tila hindi humuhupa -- lalo pa yatang umigting -- ang pagtuligsa ng iba’t ibang sektor sa party-list system. Sinasabi na ang naturang sistemang pampulitika ay sinasalaula, ginagawang katatawanan, pinagsasamantalahan, ginagawang hagdan sa pagkakamal ng salapi at pag-aagawan ng kapangyarihan, at iba pang hindi kanais-nais na mga impresyon.
Maaaring may lohika ang paglutang ng nabanggit na mga pagbibintang. Subalit hindi ko matatanggap na ang lahat ng pagbatikos sa nasabing sistema ay hindi makatarungan upang idamay ang iba pang lehitimong party-list na nakatutugon sa itinatadhana ng ating Konstitusyon; na ang mga ito ay kailangang kumatawan sa tinatawag na marginalized sector o yaong mga mamamayan na nasa laylayan ng mga komunidad; yaong mga kababayan natin na nakalugmok sa karukhaan, dehado sa pamumuhay, at walang masandalan kundi ang ating tunay na mga Party-list Congressmen.
Gusto kong maniwala na ang nabanggit na maaanghang na pagtuligsa ay nakaangkla sa hangarin ng iba’t ibang sektor na marapat nang buwagin ang nasabing political system. Kapuna-puna na ang ilang party-list ay duplikasyon na at halos magkakatulad ang mga adhikain at plataporma; pinakikilos ito ng political dynasty na kinabibilangan ng halos iisang pamilya -- mag-aama, magkakapatid at magkakamag-anak. Hindi malayo na sa kalaunan, ito ay pamahalaan ng kanilang mga apo -- at kaapu-apuhan.
Sa kabila ng gayong matinding pagbatikos, hindi naman dapat buwagin ang party-list na sa katunayan ay kinabibilangan ng ilang kapatid natin sa pamamahayag na natitiyak kong gumaganap ng makatuturang tungkulin sa Kamara. Marapat lamang na magsagawa ng matalino at makatarungang pagrepaso ang naturang sistena upang ito ay makatugon sa pangangailangan ng panahon -- at tiyaking kakatawanin nito ang ating mga kababayang mistulang sinisikad-sikaran, wika nga, ng lipunan.
Kaakibat ng pagrepaso ang pagsusog sa ating Konstitusyon na paulit-ulit nang isinusulong sa Kongreso -- isang hakbang na talaga namang napapanahon, lalo na kung iisipin na ito ay marapat nang isalang sa masusing pagsusuri.
Sa gayon, natitiyak ko na ang naturang mga party-list -- kung ito ay mananatili pa sa ating Saligang-batas -- at ang iba pang mambabatas ay hindi magiging makasarili sa pagmamalasakit sa ating mga kababayan.
-Celo Lagmay