Tacurong pride, humakot ng anim na gintongmedalya sa arnis
DAVAO CITY – Humirit ang mga atleta ng SOCCSKSARGEN sa arnis competition sa ikalimang araw ng 2019 Palarong Pambansa sa Malayan Colleges Mindanao dito.
Naisubi ni Princess Sheryl Valdez ng Tacurong City ang anim na gintong medalya nang pagbidahan ang Anyo Event Single Weapon Elementary Girls, Anyo Event Individual weapon, Anyo Event Team Double Identical weapon, Individual double weapon, Team Solo Baston , Espada Y Daga at sa Team Espada Y Daga.
“Masayang masaya po at saka malaking tulong din po ‘yung team events kaya nakadagdag po sa medals ko,” pahayag incoming grade six student ng Tacurong Elementary School.
Inulit ng 12-anyos na si Valdez ang tagumpay na kanyang unang sabak sa torneo sa 2018 Palarong Pambansa na ginanap sa Vigan Ilocos Sur.
“Ito po talaga ang sports na pinag- aralan ko kasi for self defense po tsaka gusto ko po maging pulis gaya ng lolo ko,” ani Valdez.
Nakatuwang ni Valdez ang kanyang mga kakampi na sina Althea Chermene delos Santos at si Maria Victoria Ilagan para makuha ang mga ginto sa team events.
Sa athletics, winalis ni Lheslie De Lima ng Bicol Region ang kanyang tatlong events na nilahokan ang 3000m run (10.22.42), 1,500m (4.44.07) at ang 800m (2:18.13).
“Napakasaya po. Medyo mahirap po pero natutuwa ako kasi nakuha ko po ulit yung tatlong golds,” pahayag ng 15-anyos na anak ng magsasaka.
Sa archery, may tig-apat na ginto naman ang pambato ng Central Visayas at Region 1 sa secondary girls at boys.
Nakuha ni Crisha Merto ng Central Visayas ang panalo sa 60m (321), 50m (337), 30m (339) at single fita (1310), habang kumana si Jason Emmanuel Feliciano ng Region 1 sa boys 70m (322), 60m (326), 30m (348) at single fita (1304).
Sa kasalukuyan, tangan ng NCR ang liderato na may 62-56-37 medal haul, kasunod ang Region IVa sa 41-35-65, ang Western Visayas sa ikatlong puwesto na may 41-35-37, Region XII na may 22-34-25 sa ikaaapt na puwesto at ikalimang puwesto ang Central Luzon na may 16-25-19.
-Annie Abad