Limang katao ang nasawi habang siyam ang nasugatan nang bumaligtad ang sinasakyan nilang van matapos umanong sumabog ang isa sa mga gulong nito sa North Luzon Expressway sa Apalit, Pampanga ngayong Sabado.

Hindi pa rin nakukuha ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng limang nasawi at siyam na nasugatan.

Sinabi ni Apalit Police chief, Supt. Elmer Decena, sakay ng Hyundai H110 van ang 15 pasahero nang maganap ang trahedya sa northbound lane ng NLEX-Candaba Viaduct sa Barangay Tabuyoc.

Sa paunang imbestigasyon, mabilis umano ang takbo ng van habang tinatahak ang nasabing kalsada nang biglang sumabog ang isa sa gulong nito.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver nito hanggang sa bumangga sa kasalubong na six-wheeler truck.

Bumaligtad ang nasabing van at bumulusok ang mga pasahero nito sa katabing residential area.

Nilinaw naman ng NLEX management na nakapagresponde sila sa lugar sa loob lamang ng 10 minuto upang maisugod sa ospital ang mga nasugatan.

Pinaalalahanan naman ng NLEX ang publiko na siguraduhing nasa kondisyon ang kanilang sasakyan bago bumiyahe upang hindi maulit ang kahalintulad na trahedya.

Martin A. Sadongdong