Tinawag na “unfair” ng isang opisyal ng Commission on Elections ang plano ng Department of Interior and Local Government at Philippine Drug Enforcement Agency na isapubliko ang hawak ng mga itong “narco-list” bago ang eleksiyon sa Mayo 13.

(MBPHOTO.CAMILLE ANTE)

(MBPHOTO.CAMILLE ANTE)

Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, maituturing itong negative campaigning sa mga kandidato, lalo na kung wala pa namang kasong isinasampa laban sa mga ito.

Pinayuhan pa ni Guanzon ang DILG at PDEA na kasuhna muna ang mga pulitiko na hinihinalang sangkot sa illegal drug trade sa bansa, bago isapubliko ang naturang listahan.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

“Negative campaigning ‘yang ginagawa nila kapag nilagay nila sa listahan yan. ‘Huwag n’yong iboto 'tong mga taong ‘to, kasi mga drug pusher ito’. Eh ‘di negative campaigning ‘yan. Unfair naman 'yun,” sinabi ni Guanzon sa isang panayam sa radyo.

“Kung ilabas n’yo sana 'yan (narco-list), dapat kinasuhan n’yo. Puwedeng ilagay n’yo, ‘ito may mga kaso na laban sa mga taong ito for violating Dangerous Drugs Act. Puwede,” dagdag pa ni Guanzon.

Una nang sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na walang batas na nagbabawal sa negatibong pangangampanya.

Pabor naman ang re-electionist na si Senator Sonny Angara sa pagsasapubliko ng narco-list bago ang halalan, basta tiyaking naberipika muna itong mabuti at hindi ito magagamit sa pulitika.

“Puwede naman release ‘yun basta hindi magagamit ‘yung listahan sa politics. Kasi minsan napansin natin dati, ‘yung mga listahan mayroong mga pangalan na ‘di naman talaga nandun. So mag-ingat din sa pag-release,” sinabi ni Angara nang kapanayamin ng BALITA ngayong Lunes, kasunod ng pag-endorso sa kanya ng Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement (FPJPM).

Para naman kay Sen. Koko Pimentel, kahit pa nasa narco-list ang sinumang kandidato, hindi naman ito mapipigilan sa paghahangad ng boto para sa inaasintang posisyon.

“Comelec cannot prevent those on the narco-list from running in the May 2019 elections because 'being on a list, even a narco list' is not a recognized legal ground for disqualifying candidates since they are all presumed innocent until proven guilty,” saad sa text message ni Pimentel sa mga mamamahayag.

“It is government's duty now to file charges against them using the evidence which made them land in the said list,” aniya pa.

Sinegundahan naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang nasabing panukala nina Comelec Commissioner Guanzon at Pimentel na kasuhan na lang ang mga pinaniniwalaang narcopoliticians upang maiwasang maihalal ito ng mga botante.

Gayunman, sinabi ng Malacañang na ang publiko pa rin ang malayang pipili ng iboboto nila sa Mayo 13, kahit pa ituloy ng DILG at PDEA ang pagsasapubliko sa narco-list.

"Ang taumbayan pa rin ang namimili whether criminal ang binobotohan nila, sila pa rin ang namimili niyan,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

-Mary Ann Santiago, Vanne Elaine Terrazola, at Argyll Cyrus Geducos