GENERAL SANTOS CITY – Nagsasagawa na ng counter-terrorism operations ang militar at Philippine National Police (PNP) upang mapigilan ang posibleng ilunsad na suicide bombing attack ng teroristang grupong Maute-Dawlah Islamiyah sa Mindanao.
Ito ang inihayag ng isang intelligence officer na kabilang sa counter-terrorism unit na nag-o-operate sa Central Mindanao.
Aniya, naalarma na ang pamahalaan sa nakaraang dalawang pamnbobomba sa Jolo Cathedral sa Sulu na ikinasawi ng 22 katao, kamakailan.
Nauna nang lumabas sa intelligence report na inaasahang magre-recruit ang nasabing ISIS-inspired terror group ng mga tauhan mula sa Islamic radical upang magsilbing suicide bomber tatlong mula ngayon.
Naiulat na nahihirapan ang mga foreign terror group, kabilang na ang Al-Qaeda-inspired Jemaah Islamiyah, sa pangangalap ng potential suicide bombers ng local terror group dahil na rin sa pagpapahalaga sa kanilang buhay.
“The foreign terrorists were doing some pressures on ISIS-inspired local terrorists to undertake suicide bomb attacks in a bid to sow terror and create an environment reigned by terrorism,” the officer stressed.
Ipinaliwanag pa nito na bago pa man naganap ang pambobomba sa Jolo nitong Enero 27 ay nakapaglunsad na sila ng suicide bombing sa Basilan noong Hulyo ng nakaraang taon na ikinasawi ng 11 katao.
Ang pambobomba aniya sa Basilan ay isinagawa sa pamamagitan ng Vehicle-Borne Improvised Explosive Device (VBIED).
-JOSEPH JUBELAG