DAVAO CITY – Nakatakdang isailalim si Senator Antonio Trillanes IV sa arraignment proceedings sa kasong libelo na kinakaharap nito sa Davao City Regional Trial Court (RTC), ngayong araw.
Ito ay kaugnay ng kasong isinampa ni dating vice mayor at presidential son Paolo Duterte at bayaw na si Manases Carpio.
Inaasahang dadalo si Trillanes sa pagbasa sa sakdal nito sala sa RTC Branch 54 Judge Melinda Alconcel- Dayanghirang, dakong 8:30 ng umaga.
Matatandaang nagpalabas na rin ng warrant of arrest si Dayanghirang sa kasong libel na may kabuuang piyansang P96,000.
Si Trillanes ay nagpiyansa sa Pasay RTC.
Nag-ugat ang kaso dahil umano sa mapanirang pahayag ng senador sa isang radio interview laban sa dalawang complainant.
Sa nasabing panayam, binanggit ng senador na sangkot ang dalawa sa extortion franchise issue ng Uber sa pakikipagsabwatan umano kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) 7 Director Ahmed Cuison.
Isinangkot din umano ni Trillanes ang dalawa sa korapsiyon at extortion issue sa Road Board at Department of Public Works and Highways (DPWH).
-Armando B. Fenequito, Jr