Hawak na ng pulisya ang itinuturong “main gunman” sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at sa police escort niyang si SPO2 Orlando Diaz, matapos na sumuko sa militar kahapon.
Kinumpirma ngayong Biyernes ni Supt. Dennis Balla, hepe ng Daraga Municipal Police, na sumuko na si Henry Yuson y Guanson, 38, ng Barangay Tula-tula Grande, Ligao City, Albay.
Ayon kay Chief Supt. Amador Corpus, director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sumuko si Yuson sa 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Sorsogon ilang oras makaraang pangalanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo bilang utak sa pamamaslang sa kongresista.
Nasa kustodiya na ng Albay Police Provincial Office at CIDG-Region 5 si Yuson, ayon kay Corpus.
May standing arrest warrant sa kasong rape at walang inirekomendang piyansa, una nang sinabi ni Albayalde na si Yuson ay dating kasapi ng New People’s Army (NPA) na itinuturong bumaril kina Batocabe at Diaz, armado ng .40 caliber pistol nitong Disyembre 22.
‘DI NABAYARAN?
Ayon sa mga source ng pulisya, sumuko si Yuson dahil nabigo umano si Mayor Baldo na bayaran ang natitira sa umano’y napag-usapang P5 milyon bayad sa pamamaslang kay Batocabe.
Inihayag kahapon ni Albayalde na Agosto pinagplanuhan ang pagpatay sa kongresista, at nang sumunod na buwan ay nagbayad umano ang alkalde ng P250,000 bilang initial payment, subalit hindi na nasundan ang nasabing bayad.
‘CONVENIENT SCAPEGOAT’
Huwebes ng gabi nang mariing itanggi ni Mayor Baldo ang akusasyon, iginiit na ginamit lang siyang “convenient scapegoat” sa krimen.
Gayunman, binawi na nitong Huwebes ng PNP ang lahat ng firearms license ng alkalde, na nagmamay-ari ng isang .223 caliber rifle, isang .22 caliber shotgun, at dalawang .45 caliber pistol.
Sa hiwalay na panayam kahapon, sinabi ni Albayalde na pinaghahanap na rin ng pulisya ang tatlo pang suspek: sina Rolando Arimado, Jaywin Babor, at Danilo Muella.
“Hinahanap pa po natin 'yung ibang suspek dahil pito po silang na-file-an ng kaso including itong si Mayor Baldo,” ani Albayalde.
Disyembre 30 nang sumuko sa pulisya si Christopher Naval, umano’y aide ng alkalde at bumuo sa grupo; habang Enero 3 naman nang maaresto sa Daraga si Emmanuel Rosello.
DOBLE-INGAT
Samantala, makaraang mabanggit bilang isa sa mga susunod umanong target na ipapatay ni Mayor Baldo, inamin kahapon ng dating gobernador na si Albay Rep. Joey Salceda na nangangamba siya sa sariling buhay simula nang maluklok sa puwesto ang una.
“I increased my security and limited my public appearances since he (Baldo) assumed office May 5, 2018,” sabi ni Salceda.
Fer Taboy, Martin A. Sadongdong, at Ben R. Rosario