Pinatutsadahan ni Batangas 1st district Rep. Leandro Leviste ang naging pagbati sa kaniya ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., para sa kaniyang kaarawan noong Miyerkules, Marso 18, 2026.
Sa liham na ipinadala ni PBBM para kay Leviste, binati niya sa pagseserbisyo ng mambabatas sa taumbayan.
"On this special day, I join your family and colleagues in celebrating not only your birthday, but also the life you have lived in service to others and to our country," ani PBBM.
Saad pa niya, "Your dedication, kindness and steadfast commitment have touched many lives and continue to inspire those who have the privilege of working with you."
Nagpaabot din ng birthday wish ang Pangulo para kay Leviste.
"As you mark another year, may you be blessed with renewed strength and good health. Please know that your service is deeply valued and sincerely appreciated," anang Pangulo.
Aniya pa, "Mabuhay ka at maraming salamat sa iyong tapat na paglilingkod sa bayan."
Samantala, kalakip naman ng kopya ng naturang liham na ibinahagi ni Leviste sa kaniyang Facebook account, ang caption na tila may pag-uungkat hinggil sa paglalatag pa rin daw niya ng mga ebidensya laban sa korapsyon ng pamahalaan.
"Natanggap ko itong sulat na nagpapasalamat sa aking 'tapat na paglilingkod sa bayan.' Ibig po bang sabihin, aprubado ng pamahalaan ang paglalabas ko ng ebidensiya tungkol sa korapsyon?" ani Leviste.
Hirit pa niya, "Maraming salamat po, kung ganun. Kung mali ang aking pagkakaintindi, pakitama na lamang po ako, habang inihahanda ang Season 2."
Matatandaang minsan nang gumawa ng ingay si Leviste hinggil sa kopya umano ng Cabral files na sinasabing naglalaman ng budget insertion ng mga politiko kaugnay ng maanomalyang flood control projects, na isa sa mga naging flagship program ng administrasyong Marcos.
Ang Cabral files ay ang pinaniniwalaang mga dokumentong nagmula sa yumaong si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral. Matapos ang kaniyang pagkamatay, inihayag ni Leviste sa publiko ang kanila umanong naging pagkikita ni Cabral hinggil sa paghingi niya ng naturang mga dokumento.