BANAUE, Ifugao – May kabuuang 11 katao ang nasawi sa limang magkakahiwalay na landslide sa Cordillera, kabilang ang pagguho ng lupa sa ginagawang gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-2nd Engineering District sa Barangay Banawel, Natonin, Mountain Province, kung saan nasa mahigit 30 katao ang nagkakanlong sa kasagsagan ng bagyong ‘Rosita’ nitong Martes ng hapon.
Apat ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng lupa sa gusali ng DPWH at dalawa pa lang sa mga ito ang nakilala, habang isinusulat ang balitang ito, sina Benito Falangkad Longad at Jeffrey Nagawa Salang-ey.
Labing-apat na katao naman ang na-rescue sa insidente, habang 10 iba pa ang nawawala, ayon kay Natonin Councilor Rafael Bulawe.
Batay sa paunang impormasyon, may 31 katao sa gusali nang mangyari ang landslide: 20 obrero, isang project engineer, dalawa hanggang tatlong security guard, at hanggang pitong evacuees.
Sa Bgy. Batad, Banaue sa Ifugao, naguhuan ng lupa ang bahay ng isang pamilya, na ikinasawi ni Baltazar Pinnay, 48; at mga anak niyang sina Rydbell, 8; Rhezel, 10; at Rexibelle, 12.
Sa ikatlong landslide sa Bgy. Mabilong, Lubuagan, Kalinga, nasawi ang limang taong gulang na si Sotera Guiwagiw Galo, 5, habang sugatan naman ang ina niyang si Charity Galo.
Sa isa pang landslide sa Sitio Arnukan sa Bgy. Alunogan sa Natonin din, naguhuan ng lupa ang bahay ni Jeffrey Salang-ey Nangaowa, na nahukay ang kanyang bangkay bandang 6:00 ng gabi nitong Martes.
Nagkaroon din ng landslide sa Sitio Fotay, Bgy. Silangan sa Barlig, Mt. Province, na ikinasawi ni Stephen Wangdali, 22 anyos, na nasa loob ng sasakyang naguhuan ng mga putik.
-RIZALDY COMANDA at LIEZLE BASA IÑIGO