PSC at NHA, umayuda para sa pabahay ni Didal

HINDI na rin magtitiis sa maliit na barong-barong ang pamilya ni Asian Games skateboarder gold medal winner Margielyn Didal. At halos, hindi magagalaw ang milyones na perang ibinigay sa kanya ng pamahalaan.

Didal

Didal

Sa initiatibo ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, nabigyan ng espasyo sa pabahay ng National Housing Authority (NHA) ang pamilya ni Didal sa Cebu.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa isang liham, na ipinadala ni NHA Officer-in-Charge Region 7, ipinahayag ng housing agency na tinanggap nila ang kahilingan ng PSC at kaagad na nakipag-ugnayan sa pamilya ni Didal para sa kanilang bagong tahanan sa Sta. Fe, Cebu City.

Napagalaman ng Balita na ang bahay na kasalukuyang tinutuluyan ng pamilya ni Didal ay kanila lamang inuupahan.

“Yan na yan. Sa kanya na talaga yang bahay na ‘yan,” pahayag ni PSC commissioner Ramon Fernandez, namamahala ng mga programa ng ahensiya sa Visayas, kabilang ang hometown Cebu City.

Ang 19-anyos na skateboard athlete ay nagmula sa isang simpleng pamilya sa Cebu kung saan ang kanyang ama ay isang karpintero habang ang ina naman ay nagtitinda ng meryendang ‘kwek kwek’.

Isang napakalaking tulong naman para sa pamilya ni Didal ang nasabing pabahay na ipinursiging maisakatuparan ng PSC bilang pagkilala sa kanyang naiambag sa karangalan sa bansa.

Estranghero sa maraming Pinoy ang skateboarding, ngunit ang pagkapanalo ni Didal – isa sa apat na gintong medalya na napagwagihan ng Team Philippines sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia nitong Agosto -- ang nagbukas ng oportunidad sa maliit na komunidad ng skateboarding.

Batay sa Athletes Incentives Act, tumanggap ng P2 milyon cash incentives si Didal mula sa pamahalaan at may hiwalay na P2 milyon mula sa Philippine Olympic Committee at tig-P1 milyon mula sa Siklab Pilipinas Foundation at kay Philippine Ambassador to Indonesia Lee Hoong Wee.

-Annie Abad