CAMP OLIVAS, Pampanga-Natimbog ng mga awtoridad ang apat na umano'y suspek sa pananambang at pagpatay sa isang dating konsehal ng Pampanga, nitong Sabado.

Kinilala ni regional police director, Chief Supt. Amador Corpus, ang mga suspek na sina Gilbert Aurelio, ng Poblacion, Sta. Cruz, San Luis, Pampanga; Angelo Aurelio, ng Bonga Mayor, Bustos sa Bulacan; Albert Abletes, ng Tenejero, Bacolor, Pampanga at isang alyas “Boss”.

Naaresto ang mga ito sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa nasabing bayan.

Ang apat aniya ang umano’y bumaril at pumaslang kay Sta. Rita, Pampanga Councilor Mario de Ausen, 58, may-asawa, ng Barangay San Matias, Sta. Rita ng nasabing lalawigan, nitong Oktubre 10 ng gabi.

Probinsya

Malawakang rotational brownout sa Siquijor, nauwi sa deklarasyon ng state of calamity

Papasok na aniya ang biktima sa kanilang gate, sakay ng isang sports utility vehicle (SUV) na may plakang VD-9376 nang lapitan ng mga hindi nakikilalang suspek bago ito pinagbabaril.

Tinangkang isugod sa ospital ang biktima ngunit binawian din ito ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas ang mga suspek, sakay ng isang motorsiklo patungong Guagua sa nabanggit na probinsiya

Narekober sa apat na suspek ang isang Toyota Innova J at isang motorsiklo.

Sinampahan na rin ang mga suspek ng kasong murder with conspiracy.

-MAR T. SUPNAD