WALANG duda, si Albert Martinez nang talaga ang Teleserye King, ang tawag sa kanya bukod pa sa Primetime King na pinasimulan ng ilang bloggers.
Si Albert ang paboritong kunin ng ABS-CBN, lalo na ng Dreamscape production unit, kapag may sisimulang bagong television drama series. Madalas nga kasi, nagkakasabay-sabay ang tapings at airing ng mga seryeng umeere pare-parehong poste ang characters niya.
Inusisa namin si Albert kung ano ang sekreto para maging paborito ng production unit. Higit sa maayos o marespetong pakikisama sa lahat ng mga katrabaho, siniseryoso niya ang kanyang craft.
“Alam naman ng lahat na mahirap rin ang itong trabaho namin,” sabi niya, “kasi kitang-kita agad siyempre sa screen kung pinipeke ng artista ang acting. Ayokong masabihan na niraraket ko lang ang trabaho ko. Kaya pinaghahandaan ko nang husto ang kada role na ibinibigay sa akin.”
Nadadala ni Albert ang disiplina bilang executive ng kanyang mga negosyo. Iilan ang nakakaalam na may mga pag-aari siyang dialysis centers at iba pang linya sa business sector.
Dahil sa disiplinang ito, hindi kataka-taka na successful siya sa magkaibang dalawang career, bukod pa siyempre sa pagiging successful father.
Sa Lunes, premiere telecast na sa Kapamilya Gold ng Kadenang Ginto na siya uli ang posteng character kasama sina Dimples Romana, Adrian Alandy at Beauty Gonzales. Umaasa ang Dreamscape na tututukan ng viewers family drama na tatalakay sa kasakiman.
Gaganap si Beauty bilang ang masipag na si Romina, maaasahan ng pamilya, na nakatakdang ikasal kay Carlos (Adrian). Pero bago pa man maikasal, gagahasain si Romina ng isang lalaki na hindi niya makikilala. Umurong at makikipaghiwalay si Carlos at lalo pang magiging kumplikado ang sitwasyon dahil magdadalantao si Romina.
Si Robert (Albert), ang may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan niya, ang masasandalan niya. Magkakaroon sila relasyon na hahadlangan ng anak ni Robert na si Daniela (Dimples). Ayon kay Daniela, pera lang ang habol ni Romina sa ama kaya gagawin nito ang lahat upang masira ang relasyon ng dalawa. Ayaw niyang may makahati siya sa mana.
Aakitin din ni Daniela si Carlos, magpapakasal sila at magkakaroon ng anak. Magiging magulo ang buong pamilya dahil sa kasakiman, at ganitong mga kuwento ang paborito ng afternoon viewers.Makakasama rin sa cast ng Kadenang Ginto sina Eula Valdez, Ronnie Lazaro, Luke Conde, Nikko Natividad, Adrian Lindayag, Kat Galang, at Savannah Rosales, mula sa direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng.
-DINDO M. BALARES