OLONGAPO CITY - Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan si Olongapo City Mayor Rolen Paulino, ang bise alkalde ng siyudad at walong konsehal dahil sa pinasok nilang umano’y maanomalyang pagpaparenta sa isang parke sa lungsod, kamakailan.

Bukod kay Paulino, pinatawan ng anti-graft agency ng anim na buwang preventive suspension sina Vice Mayor Aquino Cortez; Councilors Benjamin Cajudo II, Edgardo Guerrero, Noel Atienza, Alreuela Bundang- Ortiz, Edna Elane, Linus Bacay, Randy Sionzon at Egmidio Gonzales Jr.; at dating konsehal na si Ellen Calma Dabu.

Kasama rin sa sinuspinde sina Special Bids and Awards Committee (SBAC) members Tony-Kar Balde III, Cristiflor Buduhan, Anna Marin Sison, Mamerto Malabute at Joy Cahilig.

Ang suspension order, na isinilbi ng mga tauhan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa city hall nitong Lunes, ay epektibo nitong Setyembre 3 at magtatapos sa Marso 3, 2019.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nag-ugat ang suspensiyon nang ireklamo ang mga ito ng simple misconduct (administrative case) dahil sa pagbibigay ng kontrata sa isang malaking kumpanya para sa pagpapaupa sa Marikit Park.

Sa reklamo, hindi umano sumunod sa tamang proseso ang mga opisyal nang i-award nila ang kontrata sa nasabing kumpanya.

Matatandaang naghain ng petisyon sa korte si Paulino upang humiling ng temporary restraining order (TRO) ngunit binigyan lamang ito ng korte ng 15-day status quo order.

Layunin ng status quo order na mabigyan pa ang panig ni Paulino ng sapat na batayan upang tuluyang mailabas ang TRO. Gayunman, ibinasura lamang ng hukuman ang kahilingan nito.

-JONAS REYES