AMINADO si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na siya ay may sakit sa likod (spinal) subalit ito ay isang karamdaman na hindi naman seryoso. Ito ay reaksiyon sa pahayag ni Jose Maria Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), na siya ay comatose matapos dumalo sa pulong ng Lex Taliones sa Davao City kamakailan.

Ayon sa ating Pangulo, laging masakit ang kanyang likod sanhi ng aksidente sa motorsiklo, maraming taon na ang nakalipas ngunit hindi pa siya mamamatay. Aminado rin si Mano Digong na gumamit siya ng painkiller noon at nakararanas ng pagkahilo sa biyahe. Ito marahil ang dahilan kung kaya ayaw niya ng mahahabang biyahe.

Prangka at transparent si PRRD. Inamin niyang dumaranas siya ng migraine halos araw-araw at meron ding Buerger’s disease, isang karamdaman na bunga ng paninigarilyo noong kanyang kabataan. Aminado rin siya na may konting diperensiya ang kanyang pandinig dahil sa motorcycle incident. Kaya pala, lagi niyang idinidikit ang kanyang mukha sa kausap (lalo na kung magandang babae) kapag siya’y nakikipag-usap.

Anyway, anuman ang inyong opinyon tungkol sa performance at governance ni PDu30, siya ang ating Presidente kaya hangarin natin ang kanyang mabuting kalusugan, humaba pa ang buhay at matapos ang kanyang termino hanggang 2022.

Sabi ng aking kaibigan: “Ang PH ay isang agricultural country pero umaangkat tayo ng bigas sa Thailand at Vietnam. Mayaman at sagana sa isda ang karagatan ng Pinas pero nag--iimport tayo ng GG (galunggong) sa China.”

Sabad ni senior-jogger: “Totoo bang ang mga GG ay sa dagat natin hinuhuli ng mga Intsik? Doon sa kanila ito pinoproseso upang pagkatapos ay ibenta sa atin?” Aba ewan ko. May balita ngang ganyan, pero isa lang ang tiyak ko, hindi ako magpapabili sa misis ko ng galunggong na may formalin galing sa China. Kahit mahal, tatangkilikin ko pa rin ang mga galunggong na huli ng ating mangingisda.

Bunsod ng pahayag ni PRRD na ang Naga City ay “hotbed ng shabu” o pugad ng shabu, hinamon ni Vice President Leni Robredo ang Pangulo na patunayan ito. Marahil ay nagkukumagkag ngayon ang Philippine National Police ni PNP chief Oscar Albayalde sa paghahanap ng mga datos upang patunayan na isang shabu city ang Naga.

Matindi ang hamon ni beautiful Leni sa machong Presidente: “ Kung galit ka sa akin, ako na lang ang tirahin mo. Huwag mong idamay ang taga-Naga.” Ano ang sagot mo Mr. President sa hamong ito ni VP Leni?

-Bert de Guzman