HINDI ko gustong pangunahan ang sinuman, subalit naniniwala ako na ngayon pa lamang ay marapat nang paghandaan ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang hero’s
welcome, hindi lamang para kay Hidilyn Diaz na nakasungkit ng unang medalyang ginto sa weightlifting sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia; ngunit pati ang pagsalubong na nakaukol lamang sa mga bayani ay kailangan ding ihanda para naman sa iba pang medalist at sa kabuuan ng mismong Philippine delegation sa naturang sports competition.
Dapat lamang na maging marangal ang pagsalubong sa ating mga atleta sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Angkop na angkop ang hero’s welcome (o heroine’s welcome) para kay Diaz hindi lamang bilang isang gold medalist. Siya ay maituturing na isang tunay na bayani bilang aktibong miyembro ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP). Isa pa, walang kupas ang ating pagdakila sa kanya dahil sa pagtatamo niya ng silver medal sa nakalipas na Olympic Games.
Hero’s welcome din sana ang ihanda para naman sa iba nating mga kabataan na nagpapamalas ng kahusayan, katalinuhan at pambihirang abilidad sa iba’t ibang larangan ng paligsahan. Ang ating mga kabataan na maituturing na mathematics wizard ay nararapat sa gayong parangal. Halimbawa, sina Coleen Adrianne Panganiban (silver medalist 14th Int’l Mathematics Contest sa Singapore), Alisha V. Ullah (bronze medalist sa Int’l Mathematics Wizard Challenge sa Indonesia), at Gian Gaviola (bronze medalist sa Int’l Kangaroo Mathematics Competition), ay dapat ding pinag-ukulan ng bayaning pagsalubong, wika nga. Nagkataon na sila ay mga estudyante ng Las Piñas City National Science High School.
Napag-alaman ko na maging ang ilang mag-aaral ng Philippine Science High School at iba pang mga eskuwelahang pang-agham ay nagtamo rin ng mga medalya sa larangan ng matematika. Nakapanlulumong mabatid na sila, na maituturing na mga limot na bayani, ay dumating sa bansa nang hindi man lamang yata napag-ukulan ng bayaning pagsalubong.
Totoo na ang sinumang nakapag-uuwi ng karangalan para sa ating bansa ay marapat sa isang hero’s welcome. Tulad ng ating nasasaksihan, halimbawa, kapag ang ating mga boksingero ay nagtatagumpay sa kanilang laban. Gayon din ang ating mga kababaihang tinatanghal na pinakamagandang dilag sa buong daigdig.
Ang ganitong mga parangal ay nagiging inspirasyon sa mga naghahangad magtamo ng karangalan sa iba’t ibang paligsahan.
-Celo Lagmay