Sinuspinde na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng expanded High Occupancy Vehicle (HOV) traffic scheme, o driver-only car ban sa EDSA, matapos itong umani ng batikos mula sa mga maaapektuhan nito.

Sa isang pagpupulong kahapon, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na hindi muna ipatutupad ang HOV system sa Agosto 23.

Aniya, magpupulong muna ang mga miyembro ng Metro Manila Council (MMC) sa susunod na linggo upang talakayin ang usapin.

Depensa niya, walang kapangyarihan ang MMDA na kanselahin nang tuluyan ang HOV dahil isa itong resolusyon ng MMC, na binubuo ng 17 alkalde, bise alkalde, at konsehal.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ang makakapagpatigil o makakapagpabago nito is the MMC not the MMDA,” paglilinaw ni Garcia.

Sa kabila nito, ayon kay Garcia, itutuloy pa rin nila ang dry run ng nabanggit na sistema, na nagsimula nitong Miyerkules.

“We’re calling on the public that even if the full implementation of HOV is suspended, please participate in the dry run, we might appreciate it,” ani Garcia.

Nauna nang naglabas ng resolusyon ang Senado na humihiling sa MMDA na ipatigil muna ang implementasyon ng HOV sa EDSA.

Ang naturang resolusyon ay ipinadala kahapon sa MMDA.

“The mere fact they issued resolution, we respect that because nothing will happen if we don’t work together,” dagdag pa nito.

-MERLINA HERNANDO MALIPOT at BELLA GAMOTEA