Patuloy na pinagkakatiwalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bureau of Customs (BoC) chief Isidro Lapeña sa kabila ng malaking shabu shipment na nakalusot sa mga awtoridad, ayon sa Malacanang.

Gayunman, inaasahan ng Pangulo na magsasagawa ng mga hakbang ang customs bureau, kabilang ang pagpapabuti ng koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), para tugisin ang mga nasa likod ng pagpuslit ng illegal drugs at maiwasang maulit ang insidente, ayon kay Spokesman Harry Roque.

“Buo ang paniniwala pa rin ni Presidente kay Gen. Lapeña at ang nais niyang mangyari ay paano masusugpo ito nang matigil ang practice na ito,” ani Roque sa news conference sa Palasyo.

Kamakailan ay nabigo ang mga awtoridad na masamsam ang P6.8 bilyon halaga ng ilegal na droga na ipinuslit ng isang international drug syndicate papasok sa bansa. Natuklasan ng PDEA agents ang magnetic scrap kung saan itinago ang mga droga sa raid sa isang bodega sa Cavite nitong nakaraang linggo.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

NBI MAG-IIMBESTIGA

Samantala, inatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na sumali sa isinasagawang imbestigasyon sa pagkakapuslit ng bilyun-bilyong halaga ng droga sa bansa.

Nagbigay ng direktiba si Justice Secretary Menardo Guevarra sa NBI matapos masabat ng BoC noong Agosto 7 sa Manila International Container Port (MICP) ang P4.3B halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu, na nakatago sa loob ng dalawang magnetic lifters, habang apat pang walang laman na magnetic lifters ang nadiskubre sa Cavite at pinaniniwalaang naglalaman ng P6.8B shabu.

“I have directed the NBI to investigate the latest incidents of drug smuggling,” sinabi ng Kalihim sa mamamayan kahapon.

MATUTO NA

Para kay Senador Aquilino Pimentel III, dapat nang matuto ang mga ahensiya ng leksiyon at matunton ang pinagmulan ng illegal drugs na nakalusot sa kanila.

“Kasi tapos na, eh, nalusutan na sila. Learn from this experience para ma-improve nila procedures doon. Mag-confidential investigation kung meron pang kasama ang sindikato sa kanilang ahensya na nagclear nitong mga shipment na to. Learn a lesson from each failure ganoon na lang po ang gawin natin,” aniya.

Pinayuhan naman ni Senate President Vicente Sotto III ang mga opisyal ng PDEA at BoC na ‘wag nang magsisihan sa publiko at tiyaking hindi maibebenta sa mga lansangan ang nakapuslit na isang toneladang droga.

Sinabi ni Sotto na sigurado siya na mayroong sabwatan sa pagkakapasok at paglabas ng P6.8B shabu. “Hindi naman pwedeng katangahan, sobrang gagaling na nga ng mga nandoon,” aniya pa.

Ikinalungkot ni Sen. Panfilo Lacson, chair ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na wala pa ring nalalambat na big-time shabu smugglers ang PDEA simula nang ilunsad ng Duterte administration ang war on drugs.

“Puro naka-shorts and slippers lang, thousands of them, ang kaya nila,” ani Lacson.

- Genalyn D. Kabiling, Jeffrey G. Damicog at Vanne Elaine P. Terrazola