Milagro, kailangan ng PH delegation sa Asian Games

SUNTOK sa buwan na nga ang manalo, nabawasan pa ng tyansa sa medalya sa Asian Games ang Team Philippines.

Ito ang masakit na katotohanan na haharapin ng delegasyon ng bansa na binubuo ng 272 -- 147 lalaki at 125 babae – batay sa entry by names na isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Jakarta Asia Games Oraganizing Committee (JAGOC).

Sasabak ang atletang Pinoy sa 31 sa kabuuang 40 sports na paglalaban sa quadrennial meet na gaganapin sa Jakarta at Palembang sa Indonesia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kinumpirma ng Philippine Cycling Federation (Philcyling) ang kabiguan ni Fil- Am BMX rider Daniel Caluag na magdepensa sa tanging gintong medalya na napagwagihan ng bansa sa Asiad (Incheon, South Korea) may apat na taon na ang nakalilipas.

Hindi malinaw ang ibinigay na alibi ni Caluag, taliwas sa pahayag ni Marella Salamat, 2015 SEA Games gold medalist sa mountain bike, na lumiban sa delegasyon bunsod nang ‘conflict’ sa kanyang pag-aaral ng ‘Destistry’ sa University of the East.

Nagtamo naman ng injury si road race cyclist Eleazar Barba sa tuhod dahilan upang hindi na rin makasama sa delegasyon para sa Indonesian Asiad.

Hindi rin makakalahok sa kompetisyon ang premyadong bowler na si Krizziah Tabora, tinanghal na World Cup champion sa nakalipas na taon, sanhi ng seryosong kondisyong pangkalusugan, gayundin ang Fil-Am swimmer na si James Deiparine at volleyball player Ces Molina.

Ngunit, ang pinakadagok sa kampanya ng bansa sa Asiad ay ang pag-atras ng men’s basketball team matapos magdesisyon ang Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) na ituon ang paghahanda sa FIBA Asia World Cup qualifying sa Setyembre.

Kinatigan ni POC president Ricky Vargas, lieutenant ni SBP honorary president Manny Pangilinan sa ilang kompanya nito, ang desisyon ng SBP sa kabila ng panawagan ng POC Board at ni Asiad Chief of Mission Richard Gomez na magbuo ng sariling basketball team sa Asiad.

“The PSC extend all the necessary supports to all our athletes. Hindi naman tayo nagkulang sa pagbibigay ng tulong financial para sa kanilang training and competition abroad prior to the Asian Games,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernadez.

“Without the basketball and several noted athletes, we expected others to rise to the challenge,” aniya.

Tanging si Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang prominenteng atleta na inaasahang bubuhat sa kampanya ng Team Philippines sa Asian Games.

-ANNIE ABAD