Ibinahagi sa publiko ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang ipinayo umano sa kaniya noon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon sa isinagawang press conference ng DILG sa Quezon City nitong Huwebes, Marso 19, 2026, nauna munang isiwalat sa publiko ni Remulla ang nakatakda nilang pagsasampa ng kaso laban sa 45 mga dating opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Kasama umano dito sina dating BFP directors na sina Leonard Ramos Bañago, Louie Puracan, at nasuspindeng BFP director na si Jesus Fernandez.
Ani Remulla, dahil umano ito sa manipulasyon, korapsyon, at anomalyang isinagawa ng nasabing 45 mga dating opisyal ng BFP sa pagbili ng overprice na fire trucks mula noong 2018 hanggang 2024.
Diin ng kalihim, nakabili na raw sana ng aabot sa 400 fire trucks ang pamahalaan para sa BFP kung hindi lamang umiiral ang nasabing korapsyon sa naturang ahensya.
“Dahil sa korapsyon na ito, dahil sa overprice na ito, we could have bought an additional, I think, 400 trucks. Ang deficiency ng BFP ay 600 trucks,” pagsisimula ni Remulla.
Pangako naman niya, bibili raw sila ng 300 na fire trucks ngayong 2026 at 300 ulit sa 2027.
“So ngayon, hopefully itong 2026, makaka-affirm kami ng… I think we’re targeting 300 trucks this year and 300 trucks next year…” aniya.
Dagdag pa niya, “Ang hirap kasi, may trade off ka diyan, e. Syempre ang daming congressman [at] ang daming mayor na na humihingi ng fire truck sa amin. Pero ang trade off no’n, sasama ako sa korapsyon.”
Giit ni Remulla, hindi raw siya sumama sa alok sa kaniya para sa korapsyon na ito at pinili niyang ayusin ang aberya sa loob ng BFP.
“Sa akin, tiis-tiis muna tayo. Sasaluhin ko ‘yong gripo sa loob ng BFP. Aayusin ko lahat ‘yan ta’s bibili na tayo ng lahat ng fire trucks,” ‘ika niya.
Pagkukuwento niya, personal daw kasi siyang pinayuhan noon ni PBBM na hindi magandang ipakain sa kanilang mga anak ang perang nakukuha mula sa korapsyon.
“Si Pangulong Bongbong mismo ang nagsabi sa akin niyan, e. ‘Alam mo ‘yong pera sa nakaw, hindi mo puwedeng ipakain sa anak mo ‘yan, e. Ang karma, lalabas sa mga anak mo’” pagbabahagi niya.
“‘Wala sa dibdib ko na lima ang anak ko na [papakainin] ko sila ang pera na galing dito sa korapsyon na ito,’” saad pa umano ni PBBM ayon kay Remulla.