Umapela ang iba’t ibang civil society groups sa Bicameral Conference Committee na patatagin ang mga probisyon ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sang-ayon sa mga adhikain ng mamamayang Bangsamoro.
Sa interfaith rally na ginanap nitong Miyerkules sa EDSA Shrine sa labas ng Crowne Plaza Hotel kung saan pinagtutugma ng mga miyembro ng Senate at House of Representatives ang kani-kanilang bersiyon ng batas, nanawagan ang mga grupo para sa BBL na naayon sa peace agreements at magtitiyak ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
“Ang aming organization ay buong pusong sumusuporta sa kagandahan ng BBL at kabutihang madudulot nito sa Mindanao at buong bansa,” sinabi ni Datu Al-Amer ng 1taBangsa Peace and Peoples Organization .
Ayon kay Bangsamoro Transition Commission (BTC) Lawyer Algamar Latiph, ang mas malakas na BBL ay pakikinabangan hindi lamang ng rehiyon kundi ng buong nasyon.
“Kailangan natin itong power na sapat ngunit ina-allow naman ng Constitution,” aniya.
Nasa ikatlong araw na ng deliberasyon ang Bicameral Conference Committee para sa panukalang hakbang, na inaasahang mararatipikahan at malalagdaan bilang batsa sa Hulyo 23 bago ilalahad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang State of the Nation Address (SONA).
-Francis T. Wakefield at Bert De Guzman