Sa hangarin na maging “mind-setting exercise” upang maging alerto ang publiko sa malakas na lindol, o ang pinangangambahang The Big One, hindi ihahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang eksaktong petsa ng Metro Manila Shake Drill ngayong buwan.
“Walang makakapagsabi kung kailan tatama ang lindol. Dapat ay palagi tayong handa, kaya gusto naming ianunsuiyo na unannounced ang shake drill,” pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia.
Pangungunahan ng MMDA at ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council ang ikaapat na shake drill, na maaaring mangyari anumang araw sa ikatlong linggo ng Hulyo.
“Hindi namin iaanunsiyo ang eksaktong petsa ng shake drill. Ipapaalam na lang ito sa publiko sa mismong araw ng drill,” ani Garcia.
Aniya, magtatagal ng tatlong araw ang drill para mapataas ang kamalayan ng publiko sa posibilidad ng pagtama ng 7.2 magnitude na lindol.
“Gusto namin mas makatotohanan na shake drill,” ani Garcia.
Para naman kay Michael Salalima, ng Metro Manila Shake Drill Secretariat, maglalabas ng broadcast o text message ang mga telecommunication networks sa kanilang subscribers sa mismong araw ng drill.
Hinihimok naman ang mga kumpanya, simbahan, paaralan, at iba pang institusyon na patunugin ang kani-kanilang sirena para alertuhin ang lahat sa pag-uumpisa ng shake drill ng 3:00 ng hapon.
Magpapakalat ang MMDA ng mga tauhan sa mga emergency operation center sa apat na quadrants sa Metro Manila.
-Bella Gamotea