NAKAPAG-IKOT na ba kayo sa Mindanao?
Ito ang rehiyon na dati-rati’y halos kakambal na ang kaguluhan at karahasan. Nandiyan ang rebelyon, insureksiyon at mga bandido na sangkot sa kidnap-for-ransom.
Naging kontrobersiyal rin ng ilang dekada ang Mindanao dahil sa sunud-sunod na insidente ng terorismo.
Subalit kung tatanungin n’yo ngayon ang mga lokal na opisyal sa rehiyon, lahat ng mga ito ay wala na.
Ito’y napatunayan ng mga Mindanaoan sa maayos at matagumpay na pagdaraos ng 13th BOSS Ironman Motorcycle Challenge (IMC) – Mindanao leg nitong nakaraang linggo.
Mula sa SM Lanang sa Davao City, umarangkada ang mahigit sa 600 motorcycle rider paikot ng iba’t ibang lalawigan sa Mindanao at tinapos ang rutang 1,200km sa loob ng 24 oras upang maideklarang ‘finisher.’
Excited ang mga rider nang mag-take off sa Davao City dakong 10:00 ng gabi ng Biyernes at grupo-grupong nagsibalik sa finish line.
Kabilang sa mga sumabak sa endurance run ay sina House Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, Koronadal City Mayor Pete Miguel, dating PNP chief at ngayo’y Bureau of Corrections (BuCor) director Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
At dahil hindi ito matituturing na karera ngunit isang moto-tourism event, naghanda ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa mga lugar na daraanan ng kani-kanilang gimik, tulad ng mga entertainment number tulad ng sayawan at kantahan. Ito’y para mapawi ang pagod ng mga rider.
Bukod dito, bumabaha rin ng masasarap na pagkain sa anim na checkpoints na inihanda ng mga local government. Teka, ang ‘checkpoint’ na ating itinuring ay hindi police checkpoint na minamando ng mga armadong kalalakihan.
Ang checkpoint ng Ironman event ay kung saan nagpapapirma ang mga rider bilang patunay na sila ay dumaan sa lugar na iyon. Kapag hindi nakumpleto ng rider ang anim na checkpoint ay diskuwalipikado siya sa endurance run.
Mahigpit ang naging tagubilin ng PNP Highway Patrol Group sa mga participant upang maiwasan ang sakuna sa pag-hataw ng mga rider.
Kabilang sa ipinagbabawal ay ang overspeeding at paggamit ng mga illegal blinker.
Maraming nasampolan na mga rider sa ruta na kanilang dinaanan.
Hindi pinaligtas ng mga tauhan ng PNP HPG ang mga big bike na may blinker at isa-isa itong pinara.
Sa harap ng mga may-ari ng motorsiklo, binaklas ng pulisya ang mga illegal blinker. Hindi nakapalag ang mga rider.
Ito’y patunay lang na ang batas ang tunay na ipinaiiral ngayon sa Mindanao
-Aris Ilagan