ZAMBOANGA CITY – Pinaghihinalaang mga miyembro ng Abu Sayyaf group (ASG) ang dumukot sa 7-anyos na babae sa Tawi-Tawi, nitong Lunes ng gabi.

Sa naantalang ulat ng militar na ipinarating sa lungsod, ang biktima ay anak ng isang negosyante sa Sitio Pinang, Barangay Himbah sa Tandubas, Tawi-Tawi.

Sa ulat ng militar, pitong armadong lalaki ang dumaong mula sa isang berdeng jungkung o bangka sa baybayin ng sitio Pinang nitong Lunes, dakong 9:30 ng gabi.

Dumiretso umano ang mga armado sa tindahan ng ama ng biktima at nagkunwaring bibili ng gasolina para sa kanilang bangka.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Noong oras na iyon, naglalaro umano ang biktima at tuluyang tinangay ng mga suspek mula sa mga magulang nito.

Tinangkang pigilan ng ama ng biktima ang mga suspek at nagpaputok ng baril at nagpalitan ng bala, ngunit walang tinamaan sa mga suspek at sa halip ang ina ng biktima ang nadaplisan sa binti.

Mabilis umanong tumakas ang mga suspek bitbit ang bata sakay sa bangka patungo sa direksyon ng Sulu, habang isinugod sa bayan ng Sapa-sapa ang ina ng biktima upang malunasan.

-Nonoy E. Lacson