May 22, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Suweldo, benepisyo kapag naging miyembro ng Philippine Army

ALAMIN: Suweldo, benepisyo kapag naging miyembro ng Philippine Army
Photo courtesy: Philippine Army/FB


Ginugunita ngayong Linggo, Marso 22, 2026, ang ika-129 founding anniversary ng Philippine Army, o Hukbong Katihan ng Pilipinas.

Sa isang seremonyang isinagawa sa Philippine Army Officers' Clubhouse sa Fort Andres Bonifacio, Taguig City noong Huwebes, Marso 19, idiniin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang responsibilidad at serbisyong ibinibigay nila para sa bansa at sa taumbayan.

"To carry this momentum, I encourage the Army to exemplify integrity, discipline, professionalism, as these are the bedrocks of your institution. You have earned the trust of the Filipino people through your steadfast service. Every day offers an opportunity to deepen and uphold that trust, saad ni PBBM sa kaniyang mensahe.

Kaugnay nito, matatandaang inanunsyo rin ng Pangulo noong Disyembre 2025 ang umento sa sahod ng mga military and uniformed personnel (MUP) sa bansa, gaya na lamang ng PA.

MAKI-BALITA: 'Makatarungang sahod at suporta!' PBBM, itataas suweldo ng military and uniformed personnel-Balita

Bilang isa sa mga protektor ng bansa, sa bigat ng kanilang responsibilidad na bantayan ang kapayapaan at soberenya ng Pilipinas, ano ba ang mga benepisyo at kompensasyong natatanggap nila?

Ayon sa isang artikulo ng Philippine Go, nakabase na sa pinirmahang “Executive Order No. 107, s. 2025” ni PBBM ang “updated” na sahod ng mga MUP, katulad na lamang ng mga nasa PA.

“The updated salary grades are based on Executive Order No. 107, s. 2025, signed by the President of the Philippines in the City of Manila on December 3, 2025. The updated Base Pay Schedule for Military and Uniformed Personnel (MUP) will be implemented in three (3) tranches: First Tranche: Effective January 1, 2026; Second Tranche: Effective January 1, 2027; Third Tranche: Effective January 1, 2028,” mababasa sa artikulo.

Makikita rin sa nasabing artikulo ang isang “salary table” na nagpapakita ng “monthly base pay” ng isang PA officer para sa taong 2026, depende sa kaniyang ranggo.

Photo courtesy: Philippine Go/website

Sa hiwalay na talaan, makikita rin ang monthly base pay ng mga PA enlisted personnel para sa taong 2026, depende rin sa kanilang ranggo.

Photo courtesy: Philippine Go/website

Maliban sa buwanang sahod, inisa-isa rin ng naturang source ang mga benepisyong natatanggap ng mga opisyal at personnel ng PA.

Base pa rin sa Philippine Go, ilan lamang sa mga benepisyong natatanggap nila ay ang mga sumusunod: competitive pay; post-graduate study opportunities; insurance and healthcare; housing privileges: job security: skill and leadership training; command opportunities; at career advancement.

Ayon pa sa PA, hindi sila titigil na magserbisyo upang ipaglaban ang bawat Pilipino.

“Ngayong araw itinatag ang ahensiyang may habambuhay na layuning pagsilbihan at protektahan ang ating lupang sinilangan. Sa loob ng 129 na taon, hindi ninyo kami iniwan sa laban. Kaya't walang sawa rin kaming lalaban para sa pintig ng bawat Pilipino. Kami ang inyong Matatag na Hukbong Katihan ng Pilipinas,” saad ng PA sa kanilang pahayag nitong Linggo, Marso 22.

Sa kabila ng kompensasyon at mga benepisyo, nakataya ang buhay ng bawat opisyal at personnel ng PA upang tiyaking nasusunod at naipaglalaban ang interes hindi lamang ng Pilipinas, kung hindi ng bawat mamamayang Pilipino.