May 22, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga bansa kung saan nakikipag-ugnayan si PBBM para sa dagdag-suplay ng langis

ALAMIN: Mga bansa kung saan nakikipag-ugnayan si PBBM para sa dagdag-suplay ng langis
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB, Unsplash


Sa kasalukuyan, patuloy na nagaganap ang sigalot at tensyon sa pagitan ng mga bansa sa Middle East, partikular na ang Israel at Iran.

Dulot nito, patuloy na naaantala at naaapektuhan ang suplay ng langis sa ilang mga bansa sa mundo, kabilang na ang Pilipinas.

Ngunit tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan na siya ay nakikipagdayalogo na sa ibang bansa upang makahanap ng potensyal na mabibilihan ng suplay ng langis na kinakailangan ng Pilipinas.

“We are talking to many other countries who we normally do not buy oil from, but hopefully we will be able to come to an agreement with them, and we will get further supply from them,” saad ni PBBM sa isang press briefing.

MAKI-BALITA: PBBM, nakikipag-usap na sa ibang bansang puwedeng mapagkunan ng suplay ng langis-Balita


Ano-anong mga bansa nga ba ang kasalukuyang kinakausap ni PBBM para mapunan ang kinakailangang suplay ng krudo ng bansa?

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Marso 23, binanggit ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang ilang mga bansa na aniya’y kinakausap ni PBBM para sa suplay ng langis sa bansa.

1. India
2. Japan
3. China
4. Thailand
5. Brunei
6. South Korea

Sa kabila nito, nanindigan pa rin ang Palasyo na hindi pa naman humaharap sa “oil crisis” ang bansa.

“‘Pag sinabi po natin na oil crisis, maliwanag din po ang sinabi ni Secretary Sharon Garin ng [Department of Energy] DOE, na sa ngayon ay hindi pa kinokonsidera na mayroon tayong oil crisis dahil kumpleto po tayo, at enough po ang suplay ng langis,” saad ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: Malacañang, nanindigang wala pang krisis sa langis-Balita

Giit pa niya, marahil ay “price disruption” daw ang nararanasan ng bansa, at hindi isang krisis.

“So, ngayon po, kung pag-uusapan po natin ang suplay ay wala po tayong sasabihing krisis pagdating sa suplay. Maybe mayroon pong price disruption dahil nga po sa nangyayaring oil crisis sa Middle East. So, ‘yon po ‘yong pananaw ni Secretary Garin,” aniya.

MAKI-BALITA: Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo-Balita

Sa datos na inilabas naman ng BMI, ang research arm ng Fitch Solutions, isiniwalat nilang as of March 19, aabot na lamang sa 60 na araw ang suplay ng langis ng Pilipinas.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Araw na itatagal ng 'oil reserves' ng ilang mga bansa sa Asya-Balita