May 22, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Araw na itatagal ng 'oil reserves' ng ilang mga bansa sa Asya

ALAMIN: Araw na itatagal ng 'oil reserves' ng ilang mga bansa sa Asya
Photo courtesy: Unsplash


Sa patuloy na tensyon ng mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan, at ang paghihigpit ng bansang Iran sa mga dumadaan sa Strait of Hormuz, tila hindi na rin mapigilan ang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Bunsod nito, nababahala na ang ibang mga estado kaugnay sa tila “krisis” sa langis na bunga ng nasabing sigalot.

Dito sa Pilipinas, nanindigan ang Palasyo na hindi pa naman daw humaharap sa krisis sa langis ang bansa. Anila, ginagawa naman daw ng pamahalaan ang lahat upang masiguro na mapupunan ang suplay ng krudong kinakailangan ng bansa.

MAKI-BALITA: Malacañang, nanindigang wala pang krisis sa langis-Balita

Kamakailan lang din, isiniwalat naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na aabot pa sa humigit-kumulang 50 hanggang 60 araw ang suplay ng langis ng Pilipinas.

MAKI-BALITA: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM-Balita

Ngunit paano kaya ang ilang mga bansang apektado rin ng naturang hidwaan, ilang araw na lang kaya ang itatagal ng kanilang suplay ng langis?

Base sa inilabas na datos ng BMI, ang research arm ng Fitch Solutions, isiniwalat nilang as of March 19, may mga bansang halos isang buwan na lamang ang itatagal ng kanilang oil reserves.

1. Japan - 254 na araw
2. South Korea - 208 na araw
3. Taiwan - 150 na araw
4. Thailand- 96 na araw
5. China - 80 na araw
6. Philippines - 60 na araw
7. Singapore - 55 hanggang 60 na araw
8. India - 42 hanggang 56 na araw
9. Australia - 29 hanggang 36 na araw
10. Sri Lanka - 35 na araw
11. Malaysia - 30 na araw
12. Vietnam - 23 hanggang 29 na araw
13. Indonesia - 20 na araw
14. Pakistan - 11 na araw

Gayumpaman, kahit na limitado na lamang ang suplay ng langis ng bansa, sinabi naman ni PBBM kamakailan na siya ay nakikipagdayalogo na sa ibang mga bansa na maaari niyang pagbilhan ng suplay ng langis, upang matugunan ang napipintong pagkaubos ng suplay ng krudo ng bansa.

MAKI-BALITA: PBBM, nakikipag-usap na sa ibang bansang puwedeng mapagkunan ng suplay ng langis-Balita