Katulad ng pag-aalaga sa sanggol, ang pagkalinga sa mga hayop ay nangangailangan ng buong atensyon, oras, at pagmamahal.
Partikular ito sa mga aso o tuta na kilala sa kanilang pagiging clingy at energetic, bukod sa kanilang hindi mapapantayang pagmamahal at pagsuporta sa fur parents na kinalakihan o nag-ampon.
Kaya para sa mga nag-iisip mag-alaga ng tuta, narito ang ilang “fur parenting” tips na dapat malaman:
Life expectancy
Ayon sa pag-aaral ng PetMD, ang life expectancy ng maraming aso ay umaabot ng 10 hanggang 15 taon, depende sa kanilang breed, laki, genetics, at pangkabuoang health care.
Kaya mahalagang tandaan na simula sa pagiging tuta, ang pagkakaroon ng fur baby ay isang commitment, at sa mga taong ito, importanteng makapagbigay ng ligtas at maayos na caring environment hanggang sa pagtanda nito.
Estado ng tirahan
Kasama rin sa konsiderasyon ng isang fur parent ay ang estado ng kaniyang tirahan dahil ayon sa global animal welfare organization na “Four Paws” dahil ang mga tuta hanggang sa maging aso, ay likas na may preference sa outdoor activities, kaya malaking tulong sa kanilang kalusugan ang paglalakad-lakad o pagtakbo sa labas ng bahay o bakuran.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: ‘Pet etiquette’ tuwing ilalabas for walking ang fur baby
Oras
Isa pa sa mga ipinapayo ng Four Paws sa fur parent ay ang maiging pagsuri sa schedule at ang mga gawaing madalas kumakain ng malaking oras tulad ng trabaho.
Ito’y upang matukoy kung ang magiging fur baby ay maiiwan nang mag-isa sa bahay o kung saan at paano ito isasama, at maagap na maiplano ang magiging oras nito ng kain at ang posibilidad na pagkakaroon ng isang “puppysitter.”
Pagkain
Ang mga tuta ay nangangailangan ng routine feedings ng masustansyang pagkaing upang sila ay lumaki at ma-develop nang malusog.
Ayon sa pag-aaral ng Michelson Found Animals, ang mga tuta ay kadalasang inaabot ng isang taon para maabot nila ang aktuwal nilang size.
Kaya sa paglaki ng mga ito, ang mga tuta ay kadalasang nangangailangan ng tatlong beses sa isang araw na kain, at pagdating nila ng ikaanim na buwan, magiging dalawang beses na lamang ito sa isang araw.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paw-fect food treats para kay furbaby
Chewing toys
Ayon pa sa Michelson Found Animals, ang teething ay isa sa mga importanteng proseso ng paglaki ng mga tuta, kaya ang pagkakaroon nila ng chewing toys ay nakatutulong upang magkaroon sila ng ilang bagay na ligtas makakagat.
Taliwas sa sikat na pag-uugnay sa mga tuta sa buto, ito ay delikado para sa kanila dahil sa mga posibleng pagkalunok at pagkatusok sa ibang parte ng katawan nila.
Pakikipagkaibigan
Katulad ng mga tao, ang socialization ay isa sa mga importanteng proseso na dapat matutunan ng isang tuta upang lumaki silang masaya, confident, at may kakayahang makipag-communicate sa kapwa nila aso.
Saad sa pag-aaral ng isa pang animal organization na Royal Kennel Club, ang tuta na maayos naturuan ng socialization sa kanilang kapwa ay mas kalmado at mas madaling ma-train.
Ang pagkakaroon ng fur baby ay kadalasang exciting at nakakatuwa, ngunit tandaan na hindi humihinto ang responsibilidad bilang fur parent sa paglaki nito.
Dahil mula sa pagiging tuta hanggang sa maging ganap na itong full-grown na aso, ito ay mangangailangan ng pagmamahal, masaya, at ligtas na kapaligiran.