Nakiusap sa publiko ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos matagpuan kamakailan sa lalawigan ng Marinduque ang isang Philippine deer (Rusa marianna), na inaakalang “presumed absent” o matagal nang nawala.
Sa isang panawagan na ibinahagi ng DENR noong Linggo, Marso 22, iginiit ng ahensya na importante ang nasabing hayop sa pagpapaigiting ng balanse sa ecosystem.
“Sa lahat ng ating mga kababayan sa Lalawigan ng Marinduque: Ang muling paglitaw ng Philippine deer (Rusa marianna) sa ating lugar ay patunay na ang ating kalikasan ay patuloy na nabubuhay at may kakayahang magpanumbalik kung ito ay ating pangangalagaan,” panimula ng DENR.
Anila, “Ang Philippine deer ay isang mahalagang bahagi ng ating ecosystem. Sila ay tumutulong sa pagpapanatili ng balanse sa ating kagubatan at likas-yaman. Kilala rin ang mga ito bilang maamo at hindi agresibo, at nitong mga nakaraan ay mas madalas nang nakikita sa mga komunidad, maging sa mga kabahayan at malapit sa kalsada.”
“Kaugnay nito, mahigpit naming ipinapakiusap sa publiko na huwag lapitan, pakainin, habulin, hulihin, saktan, o patayin ang nasabing hayop; maghinay-hinay sa pagmamaneho sa mga lugar na maaaring tawiran ng wildlife; iwasan ang anumang gawain na maaaring makasira sa kanilang tirahan; at i-report sa lokal na pamahalaan o barangay, o sa DENR ang anumang insidente, sightings, o ilegal na gawain laban sa wildlife,” pakiusap pa nila.
Base pa sa nasabing panawagan, vulnerable species at endangered na raw kung maituturing ang Philippine deer.
“Ang Philippine deer ay isang vulnerable species ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), at itinuturing na endangered sa ilalim ng DENR Administrative Order (DAO) 2019-19,” saad ng DENR.
Kung kaya’t anila, nararapat na galangin at pangalagaan ang nasabing hayop, sapagkat ito raw ay maituturing na maipagmamalaking yaman ng Marinduque.
KAUGNAY NA BALITA: Philippine deer, muling namataan sa Marinduque!-Balita