KINUMPIRMA nitong Miyerkules ng Saturday Night Live cast member na si Pete Davidson ang mga balitang engaged na sila ng American pop star na si Ariana Grande matapos ang halos dalawang buwang pagde-date.

Ariana, copy

Kinumpirma ni Pete, 24, sa talk show host na si Jimmy Fallon sa paglabas niya sa The Tonight Show ang tsismis na naglutangan nitong mga nakaraang linggo.

“I did,” ani Pete, nang tanungin ni Jimmy kung engaged na siya. “I feel like I’ve won a contest,” idinagdag niya tungkol sa relasyon nila ni Ariana.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Huling bahagi ng Mayo nang isinapubliko nina Ariana, 24, at Pete ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng kanilang social media accounts, ilang linggo matapos silang makipaghiwalay sa kani-kanilang karelasyon. Iniulat ng celebrity media nitong nakaraang linggo na engaged na sila.

Nakita ang Dangerous Woman singer na may suot na diamond ring sa kanyang engagement finger nitong unang bahagi ng linggo, habang nitong Miyerkules ay iniulat ng celebrity media na lumipat ang magkasintahan sa isang apartment sa Manhattan.

Nagsimula ang karera ni Ariana sa Nickelodeon TV show na Victorious noong 2009, at naglabas ng kanyang unang studio album noong 2013. Naging isa siya sa mga pinakasikat na young artists sa Amerika at nagwagi ng tatlong American Music Awards.

Hunyo 2017 nang pinuri si Ariana sa pagbabalik niya sa English city ng Manchester para sa benefit concert ng mga biktima ng suicide bombing ng Islamic State, na ikinamatay ng 22 katao, ilang sandali matapos ang kanyang concert.

Nagsimula naman si Pete bilang stand-up comedian, at naging bahagi ng sikat na satirical sketch show na Saturday Night Live noong 2014.

-Reuters