SUPORTADO ko ang panukala na armasan ang mga barangay chairman. Malaking tulong ito kontra krimen, na isa sa mga programang isinusulong ni Pangulong Duterte.
Ang mga nasabing baril ay dapat gawing pag-aari ng barangay sa ilalim ng masugid na pangangasiwa ng Department of Interior at Local Government (DILG). Hindi ito maaaring ituring na personal na kagamitan, bagkus, ipinapahiram lamang sa punong-barangay habang nanunungkulan. Bawal ang “kargada” sa labas ng nasasakupang pook. Hindi rin lahat ng kapitan ay mabibigyan ng ganitong prebilehiyo. Kailangan muna nilang dumaan sa ‘Intelligence at Security Check’, drug at psycho test. Ito ay upang hindi makahawak ng baril ang mga nahalal na kapitan na umano’y mga drug protector, financier, at tulak ng droga nakaraang halalan. Ipagbabawal din ito sa mga kilalang kasapi ng iba’t ibang teroristang grupo, pati mga kalaban ng estado.
Kailangan ding dumalo ang mga nasabing opisyal sa “Gun Safety at Familiarization Seminar”, upang maturian ang mga ito ng tamang pag-iingat at paggamit ng baril, kung kinakailangan. Kailangang sumailalim ng mga piling kapitan sa tatlong antas ng pagsasanay na gagawin sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon. Kabilang sa pagsasanay familiarization firing, confidence firing at proficiency firing. Maraming mga “Gun Club” ang maaaring magturo nito, katuwang ang PNP, nang sa gayon ay lalo umanong magkakilala at magkalapit ang mga kapitan at pulis.
Nandito na rin lang sa usapang baril, pati mga huwes at piskal ay dapat may pamamaraan din upang protektahan ang kanilang mga sarili. Hindi biro ang banta sa buhay nila sa dami ng kanilang kasong hinahawakan. Siguro, Korte Suprema at Department of Justice (DoJ) ang magpapanday ng reglamento tungkol dito, at sila ring sasangguni sa PNP Chief na may kapangyarihang mag-isyu ng mga permit sa pagdadala ng armas sa labas ng tahanan.
Napapanahon na talaga na ilagak o ipatupad ang sistema ng gun permit sa PNP Regional Directors. Maniwala at hindi, may dating Defense Secretaries, AFP Chief at iba pa na walang Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR). Baguhin na ‘yang proseso na tulad ng imbudo sa Kampo Crame, at ipakalat sa police regional offices ng probinsya.
-Erik Espina