NANG dahil sa paghalik sa isang Filipina overseas worker, naging makulay ang state visit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa South Korea. Batid ng mga Pinoy na tagahanga si Mano Digong ng magagandang babae. Siya ay binansagan ngang “Ladies’ Man”.
Samakatuwid, hindi nakasosorpresa na halikan sa labi ng ating Pangulo ang isang babae sa pagtitipon ng Filipino community noong nakaraang Linggo ng gabi sa Seoul. Ang paghalik ni PRRD ay pinalakpakan ng mga Pilipino roon subalit hindi nagustuhan at pinintasan naman ng iba.
Sinabi ng Pangulo na magbibigay siya ng librong “Altar of Secrets” tungkol sa hypocrisy ng Simbahang Katoliko sa sinumang babae na magpapapahalik sa kanya bilang kabayaran. Ayon sa ulat, dalawang Pilipina ang umakyat sa stage at nagpahalik sa Presidente.
Ang isa ay beso-beso lang pero ang isa ay pumayag na pahalik kay PDu30 sa labi. Tinanong muna niya kung dalaga ang babae na si Bea Kim. Tumugon ito na may asawa siya at dalawang anak. Hinalikan siya sa labi ni Pres. Rody at sinabing wala itong malisya kundi gimik lang at katuwaan.
Gayunman, ang paghalik ni Mano Digong kay Bea Kim ay umani ng pagbatikos mula sa kanyang mga kritiko at grupong-kababaihan. Para kay Gabriela secretary-general Joms Salvador, ang paghalik ay “disgusting theatrics of a misogynist president who feels entitled to demean, humiliate or disrespect women according to whim.”
Para naman kay Sen. Risa Hontiveros, ang paghalik sa isang Filipina worker sa South Korea ay “nakaririmarim na pagpapakita ng sexism at grave abuse of authority.” Dagdag ni Sen. Risa: “He acted like a feudal king who thinks that being the president is an entitlement to do anything that he pleases.’
Maagap namang sumaklolo si presidential spokesman Harry Roque na nagpahayag na maging si Bea Kim, ay nagsabing walang malisya ang paghalik. Sinabihan ni PRRD ang may 3,000 tao sa pagtitipon na huwag itong seryosohin sapagkat katuwaan lang at isang gimik upang maging masaya ang lahat.
Hindi na marahil makatiis, binira ni ex-Pres. Noynoy Aquino si PRRD tungkol sa patuloy na pag-okupa ng China sa mga reef na saklaw at Exclusive Economic Zone (EEZ) ng PH at military buildup sa West Philippine Sea-South China Sea. Pinabulaanan niya ang bintang ni PRRD na ang dapat sisihin sa militarisasyon ng China sa EEZ, ay ang kanyang administrasyon.
Ayon kay PRRD, ang island-buildup ng China ay nagsimula sa administrasyon ni PNoy at hindi man lang ito kumilos. Tumugon si PNoy at sinabing sila ang nag-file ng arbitration case laban sa China na kinatigan naman ng Artbitral Tribunal sa Netherlands. Gayunman, parang balewala ito kay PRRD, hindi kumikibo at laging sinasabing walang kakayahan ang Pinas laban sa China.
-Bert de Guzman