Naghain ng quo warranto petition sa Korte Suprema ang suspendidong abogado na si Ely Pamatong laban kay Pangulong Duterte.
Sa kanyang anim na pahinang petisyon, sinabi ni Pamatong na hindi kuwalipikado si Duterte na tumakbo noon sa pagkapangulo dahil sa depektibo ang certificate of candidacy nito.
Si Duterte ay substitute candidate ng kanyang kapartido sa PDP-Laban na si Martin Diño.
Pero ang orihinal umanong posisyon na nais takbuhan ni Diño ay para sa pagka-alkalde ng Pasay at hindi naman sa pagkapresidente.
Nauna nang ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Duterte sa pagtakbo sa pagkapangulo, at kabilang na rito ang petisyong inihain ni Pamatong.
Ipinaalam din ni Pamatong sa Kataas-taasang Hukuman na siya ay nanumpa bilang caretaker ng bansa at nag-assume sa posisyon ng pagkapangulo noong Hunyo 30, 2016.
Gayunman, sa ilalim ng Rule 66 ng Rules of Court, ang pinapayagan lamang na magsulong ng quo warranto petition ay ang Office of the Solicitor General, public prosecutor o kaya ay ang sinuman na naggigiit ng lehitimong karapatan sa posisyong inokupahan ng kinukuwestiyong opisyal.
Matatandaang sinuspinde ng Korte Suprema ang lisensiya ng abogasya ni Pamatong dahil sa pang-iinsulto at mapanira nitong paratang laban sa isang hukom noong 2016.
Minaliit naman ng Malacañang ang petisyon ni Pamatong.
Sa inilabas na pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque, binanggit niyang ipauubaya na lamang nila sa Korte Suprema ang usapin.
“We respect the Court as an independent institution. We are confident it will render the correct and wise decision.
We’re confident though that it’s [quo warranto petition] utterly bereft of legal and factual merit,” ani Roque.
Isinampa ang nabanggit na petisyon halos isang buwan matapos patalsikin sa puwesto si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, sa pamamagitan ng kahalintulad na petisyon.
-Beth Camia at Argyll Cyrus B. Geducos