MAAARING ako ay naalimpungatan lamang, subalit binulaga ako ng ulat na ang isa sa mga probisyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na inaprubahan ng Kongreso ay nagtatadhana ng pagkakaroon ng sariling bandila ng itatatag na Bangsamoro Autonomous Region (BAR); ito ang magiging kahalili ng bubuwaging Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).
Kung mananatali ang naturang probisyon sa isusunod na bicameral committee meeting, naniniwala ako na ang hiwalay na bandila sa panig na iyon ng Mindanao ay hindi malayong lumikha ng pagkakawatak-watak. Isa lamang ang watawat na dapat nakawagayway sa iba’t ibang panig ng kapuluan bilang simbolo ng pagkakaisa at pagpapamalas ng tunay na diwa ng nasyonalismo; ito ang kumakatawan sa kabayanihan ng ating mga ninuno na namuhunan ng buhay at dugo sa pagtatanggol ng ating kasarinlan.
Kung hindi mababago ang naturang probisyon, hindi malayo na ang iwawagayway na bandila sa panig na iyon ng Mindanao ay ibang-iba sa ating kasalukuyang watawat. Hindi kaya lumitaw na tayo ay maging banyaga sa ating sariling bansa?
Sa halip na paglaruan ang sagradong isyu hinggil sa pagdakila sa ating pambansang watawat, lalo nating pag-ibayuhin ang pagpapahalaga at pangangalaga sa naturang sagisag ng ating pagkabansa. Pagtibayin ang tagdan na kinasasabitan ng mga watawat, lalo na ang halos mga gula-gulanit na dahil sa ulanin at arawin nang matagal na panahon.
Sa bahaging ito, nakita ko ang kahalagahan ng panukala tungkol sa pagdaragdag ng sinag ng araw o ray of the sun sa ating bandila. Ibig sabihin, sa halip na walo, gagawing siyam ang sinag sa ating kasalukuyang watawat. Ang dagdag na sinag ang kakatawan sa ating mga kapatid na Muslim sa Mindanao. Bilang pagkilala ito sa kabayanihan ng ating mga ninunong Moro na – tulad ng ating mga bayani sa Luzon at Visayas – ay namuhunan din ng dugo at buhay sa pagtatanggol ng kalayaan.
Hindi natin malilimutan ang katapangan, halimbawa, nina Lapu-lapu, Sultan Kudarat at iba pang Muslim na nakipagdigmaan sa dayuhang mananakop; sila ang nagtaboy sa mga kaaway na walang inalagata noon kundi yurakan ang ating kalayaan at kamkamin ang ating mga likas na kayamanan.
Anumang pagbabago sa mga batas na umiiral sa bansa na taliwas sa mga kultura at paniniwala na ating kinagisnan ay maaaring lumikha ng pinangangambahang biyak na pagkamakabayan; na magiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng lahing Pilipino.
-Celo Lagmay