Hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pang-unawa ng publiko sa hindi paglalathala sa mga hakbang ng gobyerno bilang tugon sa mga aksiyon ng China sa West Philippine Sea sa gitna ng mga batikos umano’y kawalan ng tugon sa isyu.
Ito ang ipinahayag ni DFA Undersecretary Ernesto Abella matapos kumpirmahin ng Palasyo na naghain na ito ng diplomatic protests laban sa China kaugnay sa mga isyu sa pinagtatalunang teritoryo, kabilang ang iniulat na harassment sa mga sundalong Pilipino ng Chinese forces doon.
“We understand na kailangan kasi ma-assure, pero dito po siguro nanggagaling si SFA na lagi nyang nasasabi na trust us,” ani Abella, na ang tinutukoy ay si Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano.
“Of course there are always aspersions and criticisms, but I would like to assure you na hindi po pabaya ang ating mga departamento lalo na sa Executive branch,” dugtong niya.
Sinabi rin ng dating tagapagsalita ni Pangulong Duterte na naa-appreciate ng DFA ang lahat ng mga tawag at puna ng publiko kaugnay sa isyu, ngunit may ibang detalye na hindi puwedeng isapubliko.
“There are certain matters kasi na medyo classified, so rest assured po, we continue to encourage the public, to rest assured na hindi po pabaya ang gobyerno, lalo na sa DFA,” dugtong niya.
WALANG ISUSUKO
Sinabi nitong Huwebes ni Secretary Cayetano sa mga kongresista na kahit isang pulgada ng teritoryo ng bansa ay hindi ibibigay sa China.
Aniya, anumang joint oil exploration sa WPS ng Pilipinas at ng China, ay hindi nangangahulugan na isinusuko ng gobyerno ang United Nations arbitration ruling na pumapabor sa sovereign rights ng mga Pilipino sa naturang lugar.
“Just because we are not using the word arbitral award does not mean we are giving up on our rights,” ani Cayetano sa briefing ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa mga kasapi ng House Special Committee on the WPS.
-Argyll Cyrus B. Geducos at Bert De Guzman