LIEGE (AFP) – Dalawang policewoman at isang lalaki sa loob ng nakaparadang sasakyan ang pinaslang ng isang armadong lalaki bago siya mabaril at mapatay ng mga pulis sa lungsod ng Leige sa hilaga ng Belgium, nitong Martes. Pinaghihinalaang naimpluwensiyahan ng Islamist militants ang suspek habang nasa kulungan.
Dakong 10:30 ng umaga, sinundan ng lalaki ang dalawang babaeng pulis sa Liege at sinaksak saka kinuha ang kanilang mga baril at tinadtad sila ng bala. Ang dalawang biktima ay nasa edad 45 at 53 anyos.
Kasunod nito ay naglakad patakas ang suspek at binaril ang isang 22-anyos na lalaki na nakaupo sa loob ng isang nakaparadang kotse.
Pumasok ang suspek sa Leonie de Waha high school, at hinostage ang isang empleyado. Inilikas ng mga awtoridad ang mga estudyante bago pinasok ang eskuwelahan. Kaagad silang pinaulanan ng baril ng suspek at ilang pulis ang tinamaan sa binti. Tumimbuwang ang suspek makalilpas ang 30 minuto.
Apat na pulis ang dinala sa ospital dahil sa mga sugat sa binti.
Kinilala ang umatake na si Benjamin Herman, isinilang noong 1982, at nakulong dahil sa pagnanakaw, assault at battery at drug dealing.
Sa video na inilabas ng state broadcaster ng Belgium, makikitang sumisigaw ang lalaki ng ‘’Allahu Akbar’’ (‘’God is greatest’’) habang nagpapaulan ng baril sa kanyang dinaraanan.