KAILANMAN ay hindi ko ipinagtataka at ikinabibigla ang girian na malimit mauwi sa tadyakan, suntukan at murahan sa mga basketball tournament. Dahilan ito upang ang naturang laro – ang sport na pinaka-popular sa Pilipinas – ay madalas taguriang basket-brawl.
Sa kasagsagan ng laro ng Cleveland Cavaliers at Boston Celtics kamakailan, halimbawa, tiyak na hindi lamang ako ang ginulantang ng biglang paglalabu-labo ng mga atleta. Hinihintay ko na lamang na may sumabog na nguso at bumulagta sa hard court. Mabuti na lamang at mabilis na pumagitan sa kaguluhan ang tinatawag na cooler heads, wika nga, sa mga nangangasiwa ng National Basketball Association (NBA).
Ang ganitong hindi kanais-nais na mga eksena, kung sabagay, ay hindi lamang sa ibang bansa nagaganap. Katunayan, palasak na ang ganitong mga pagbabanatan at paglalabu-labo sa ating Philippine Basketball Association (PBA). Hindi matatapos ang torneo nang walang magaganap na mistulang sapukan at palitan ng mahahayap na pananalita sa pagitan ng mga atleta. Katunayan, kabi-kabila ang technical foul na iginagawad sa mga manlalaro; may pagkakataon na ang ilan sa kanila ay pinalalabas na sa hard court at hindi na pinapayagan makapaglaro.
Totoo na ang gayong nakadidismayang mga pangyayari ay bahagi na, hindi na lamang ng basketball tournament, kundi ng iba pang paligsahan sa larangan ng palakasan o sports. Naniniwala ako na ang mga ito ay bunsod ng pagkapikon, maruming paglalaro at iba pa; mga pangyayari na nagpapatunay ng kawalan ng sportsmanship o pagkamaginoo sa sports competition. Ito ang katangiang dapat taglayin ng lahat ng atleta upang matiyak ang patas na kompetisyon na ating kagigiliwan at ikararangal.
Totoo na ang kawalan ng pagkamaginoo ay nasasaksihan hindi lamang sa mga sports fest kundi maging sa iba pang larangan ng mga pagtatalo. Hindi ko malilimutan ang nakadidismayang paglalabu-labo ng mga mambabatas sa legislative hall ng Taiwan, maraming taon na ang nakalipas. Isinasaad sa mga ulat na sa kainitan ng pagbabalitaktakan sa kontrobersyal na mga isyu, nagsuguran ang kagalang-galang na mga lawmakers, nagdambahan sa mesa at halos maghagisan ng silya.
Ang ganitong nakadidismayang mga eksena ay karaniwang tanawin na sa idinadaos na mga public hearing sa ating Kongreso. Hindi ba may pagkakataon na pinatayan ng mikropono ng isang mambabatas ang kanyang kasamahan sa kainitan ng kanilang pagtatalo? Isipin na lamang na sila ay tinitingala ng sambayanan dahil sa kanilang pagiging mga ‘honorable’.
Sa nabanggit na mga pangyayari, maitatanong: Nasaan ang pagkamaginoo sa gayong magaspang na pag-uugali?
-Celo Lagmay