Inanunsyo ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong Biyernes, Marso 20, ang pagtataas ng presyo ng kuryente ngayong taon kasabay ng pagtataas rin ng presyo ng langis bunsod ng umiigting na tensyon sa Middle East.
Ayon kay ERC Chairperson Francis Saturnino Juan, ang pagtataas na ito sa kuryente ay dahil sa mga inaasahang karagdagang gastos sa pagpapadala ng langis, coal, at natural gas, na mga kalimitang ginagamit sa mga power plant sa bansa.
Saad pa ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines, posibleng umabot sa ₱2 hanggang ₱4 kada kilowatt-hour ang idadagdag sa singil sa kuryente, na maaari nang maramdaman simula sa Abril.
MAKI-BALITA: Singil sa kuryente, makikipagsabayan sa mataas na presyo ng produktong petrolyo!
Dahil dito, ilan sa mga ibinabang paalala ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para matulungan ang consumers sa pagkonsumo nila sa kuryente ay ang pag-unplug sa appliances at ilan pang kagamitang de-kuryente kapag nakapatay o standby.
Ayon sa mga pag-aaral, maraming appliances at electronics ang nagkakarga pa rin ng “phantom energy” o “standby power” kahit na nakapatay ngunit nakasaksak pa rin sa plug.
Ang naka-plug na appliances at electronics din ay posible ring magdulot ng “power surge,” na bukod sa nakadaragdag sa bill ng kuryente ay nagdudulot pa ng “power surge” na tumutukoy sa matinding pagtaas sa boltahe, na nagreresulta sa pagkasira ng kagamitan at mahal na pagpapagawa.
Isa pa sa negatibong dulot ng pag-iiwan ng naka-plug na kagamitan ay ang pagiging lapitin nito sa sunog dahil sa init na naiipon dito habang nakasaksak, na nagmumula sa init na naiipon sa internal parts nito.
Kaya bilang karagdagang pag-iingat, ipinapayo ng inhinyero na iwasang iwanan sa plug ang mga partikular na appliances at electronics:
- Air fryers
- Toaster ovens
- Space heaters
- Hair tools (hair dryers, straightening irons, curling wands)
- Extension cords
- Christmas lights
- Lithium battery-powered electronics
Sa kaugnay na ulat, ipinapayo ng Department of Energy (DOE) na maaaring makatipid ang consumers ng hanggang ₱300 kada buwan sa pamamagitan ng pagse-set ng aircon sa 24°C o mas mataas kaysa sa mas malamig na setting na 20–22°C.
Ito’y dahil sa mas mababang temperature setting, mas pinipilit ng aircon na pababain ang temperatura ng silid.
Bukod pa rito, nakatutulong rin daw ang regular na paglilinis ng filters at condensers nito.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Tamang setting ng aircon para makatipid ng hanggang ₱300 kada buwan