Gumagawa na ng hakbang ang Manila Police District (MPD) upang malutas ang problema sa jail congestion o siksikang bilangguan sa lungsod.

Ito ang tiniyak ni MPD Director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, at sinabing nakikipag-ugnayan na sila sa Manila Regional Trial Court (RTC) upang hilingin na madaliin ang pagpapalabas ng commitment order para mailipat sa Manila City Jail ang mga naarestong suspek na nakakulong sa mga lock-up cell o temporary custodial center ng 11 himpilan ng pulisya sa Maynila.

Aniya, karaniwang inaabot ng 15 araw bago makapagpalabas ng commitment order ang korte.

May pagkakataon umano na mas tumatagal ang pagpapalabas ng commitment order at umaabot ng mahigit dalawang buwan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa ngayon, aniya, inuuna nilang mailipat sa city jail ang mga preso na tatlong buwan nang nakakulong sa presinto at nahaharap sa non-bailable offenses.

Ayon kay Coronel, magsasagawa rin ang MPD ng medical examinations, katuwang ang PNP Health Service at Manila Social Welfare Department, sa mga presinto upang masuri ang kalagayan ng kalusugan ng mga preso.

Tumitindi ang problema sa siksikang bilangguan at naging mapanganib ang kalusugan ng mga bilanggo ngayong tag-init.

-Mary Ann Santiago