SA kabila ng matagumpay na pagsisikap ng ating mga guro upang maging maayos, matapat at mapayapa ang halalan, sumulpot pa rin ang mga pangyayari na sila ay mistulang kinawawa. Maaaring isolated o mangilan-ngilan lamang ang gayong sitwasyon, subalit isang bagay ang tiyak: Hindi alintana ng kinauukulang mga awtoridad ang pangangalaga at mga kaluwagang hindi dapat ipagkait sa ating mga guro.
Ang iniulat na panghaharang ng mga rebelde sa 18 guro na may bitbit na mga ballot boxes sa isang bayan sa Maguindanao, halimbawa, ay isang patunay ng matinding panganib na sinusuong nila sa pagtupad ng isang makabayang tungkulin. Mabuti na lamang at sila ay maagap na nasaklolohan ng ating mga kawal na nakatalaga sa naturang lugar upang mangalaga sa idinaos na halalan. Sa halip na ipagpatuloy ng naturang mga guro ang kanilang pagiging mga miyembro ng Board of Election Inspectors (BEI), ang nasabing mga sundalo ang nangasiwa sa eleksiyon.
Pati ang kakarampot na honorarium ng mga guro bilang mga BEI members ay hindi nakaligtas sa tax deduction; lalong lumiit ang tinanggap nilang mga allowance para sa halos magdamag na pamamahala sa halalan. Ang naturang biyaya, kung sabagay, ay talagang dapat buwisan, tulad ng itinatadhana ng batas; pero may mga paraan upang sila ay damayan.
Bigla kong naalala ang dagdag na sahod para sa ating mga guro na ipinangangalandakan ni Pangulong Duterte. Totoo na malaki ang kanyang hangarin na saklolohan ang public school teachers hindi lamang sa salary hike kundi sa iba pang mahahalagang pangangailangan bilang pangalawang ina ng ating mga anak.
Hindi naman maiiwasang mangimbulo ang mga guro na sinasabing laging napag-iiwanan sa pagkakaloob ng mga biyaya para sa mga lingkod ng bayan; lalo na nga kung isasaalang-alang ang pagdoble ng sahod ng mga sundalo at pulis. Naniniwala ako na hindi niya ito ipagwawalang-bahala sapagkat siya ay anak din ng isang guro.
Nakapanlulumong mabatid na dahil sa kakapusan ng panustos sa mga pangangailangan, ang mga guro ay napipilitang mangutang sa mga private lending institutions (PLI). Sinasabi na pati ang kanilang mga ATM ay nagagamit sa sayong kadahilanan. May mga pagkakataon na sila ay nagtitinda ng kung anu-anong bagay bilang dagdag sa pinagkakagastusan.
Sa makabuluhang tungkulin ng ating mga guro hindi lamang sa panahon ng halalan kundi bilang tagahubog ng kinabukasan ng ating mga anak, hindi sila dapat kinakawawa.
-Celo Lagmay