Sinampahan ng anim na kaso ng graft sa Sandiganbayan Third Division ang suspendidong si Toledo City, Cebu Mayor John Henry Osmeña dahil sa pagpigil sa paglalabas ng real property tax (RPT) shares ng isang barangay sa siyudad para sa huling dalawang quarter ng 2014 at buong 2015.

Sa kasong inihain ni Assistant Special Prosecutor III Jorge B. Espinal, kinasuhan si Osmeña ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).

Napaulat na si Osmeña “caused undue injury to Barangay Daanlungsod, Toledo City by withholding, without basis or sufficient justification and in the absence of a temporary restraining order or a preliminary injunction issued by a court” sa paglalabas ng RPT ng nabanggit na barangay.

Sa ikatlong quarter ng 2014, pinigil umano ng alkalde ang paglalabas ng P2,944,940, na isang paglabag sa probisyon ng Section 271(d) ng Local Government Code (RA 7160).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ikaapat na quarter ng 2014, aabot naman sa P2,960,606.60 RPT ang sinasabing pinigil ni Osmeña. Gayundin ang P2,979,471.11 noong unang tatlong buwan ng 2015, P2,953,445.59 noong second quarter, P2,946,764.81 noong ikatlong quarter, at P2,948,036.07 noong huling tatlong buwan ng 2015.

Itinakda ang P180,000 piyansa ng alkalde, na una nang pinatawan ng isang taong suspensiyon ng Office of the Ombudsman makaraang mapatunayang nagkasala sa grave abuse of authority kaugnay ng parehong usapin.

Sa kanyang counter-affidavit, ikinatwiran ni Osmeña na hindi niya inilabas ang pondo dahil may alitan noon sa pagitan ng mga barangay ng Sangi at Daanlungsod, at may kaso pa nga na “Barangay Sangi versus City of Toledo” na nakabimbin sa Court of Appeals.

Gayunman, ibinasura ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang argumento ng alkalde. “The boundary dispute between the two barangays had long been settled,” saad sa resolusyon ni Morales noong Agosto 9, 2017. (Czarina Nicole O. Ong)