Ni Annie Abad

POSIBLENG mauwi sa wala ang ipinakitang husay ng tatlong batang atleta sa katatapos na Palarong Pambansa sa athletics event gayung hindi planong ikonsidera ng Philippine Track and Field Association (PATAFA) ang mga bagong national rekord na naitala ng mga ito sa nasabing kompetisyon.

Dahil umano ito sa hindi naman mga PATAFA-accredited ang mga technical officials na siyang nagmando sa mga labanan at wala umanong hiningi ang Department of Education (DepEd) na pahintulot buhat sa nasabing National Spots Association (NSA) upang pangunahan ang mga labanan.

Hindi umano hiningi ng DepEd ang tulong ng PATAFA upang pangasiwaan ang torneo na nagbunga ng ilang kalituhan.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Hindi umano gumamit ng electronic timer ang DepEd at mano-mano lamang ang ginawang pag-oras at pagsukat sa mga events.

Ang Sprint King na si Veruel Verdadero ng CALABARZON, pati ang kakampi nitong si Eliza Cuyom na nag break ng rekord sa hurdle, kasama ang pambato ng Western Visayas na si Ann Katherine Quitoy ng javelin throw, ay kabilang sa tatlong atleta na nagtala ng mga panibagong rekord sa athletics ngunit hindi ito kikilalanin ng PATAFA.

Nagtala si Verdadero na bagong rekord na 10.55 matapos ungusan ang lumang rekord sa 100m run secondary boys na 10.75 habang si Cuyom ay nagtala naman ng 14.50-second na tumabon sa 14.73 na dating rekord sa hurdle.

Wala naman maisagot ang pamunuan ng DepEd sa nasabing isyu,kundi, titingnan nila umano kung ano ang kanilang magagawa hinggil sa mga equipments na dapat nang baguhin para sa pagsasagawa ng Palarong Pambansa, gaya na lamang ng pagbili ng electronic timer at wind guage.